6,843 total views
Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 5, 34-42
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.
Juan 6, 1-15
Friday of the Second Week of Easter (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 34-42
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, tumindig ang isang Pariseong nagngangalang Gamaliel, tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, saka nagsalita:
“Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin sa mga taong ito. Hindi pa nagtatagal na lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkawatak-watak ang mga tauhan niya at nauwi sa wala ang kilusan. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala at nakaakit din ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang panukala o pagpupunyaging ito’y mula sa tao, ito’y mabibigo. Ngunit kung mula sa Diyos, hindi ninyo ito masasansala at lilitaw pang lumalaban kayo sa Diyos! Napahinuhod sila sa payo ni Gamaliel. Pinapasok na muli ang mga apostol, at pagkatapos ipapalo at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus, sila’y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila’y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus. At araw-araw, nagpupunta sila sa templo at sa mga tahanan, at doo’y nagtuturo at nangangaral tungkol kay Hesus, ang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.
o kaya: Aleluya!
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hiniling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Ang tanging aking mithii’y
Panginoo’y makapiling.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 1-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong siya ni Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat – humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t sa gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.
Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Sa himala ng pagpapakain ng limanlibong tao, ipinakikita sa atin ng ating Panginoon na ibibigay ng ama ang lahat ng ating mga pangangailangan. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng mabubuting bagay na maipagkaloob niya sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, bigyan Mo kami ng aming kakanin araw-araw.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpakita ng katulad ng pagkahabag na ipinamalas ni Jesus upang pakanin ang mga taong nagugutom, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyano nawa’y tularan ang ginawa ng batang nagbahagi ng kanyang pagkain at magbahagi rin ng anumang maaaring makatulong sa mga nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y matagpuan si Kristo bilang tugon sa kanilang pagkauhaw at pagkagutom, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng tulong para sa kanilang katawan at kaluluwa mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makasalo sa walang hanggang piging sa kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng iyong bayang nagtitipon upang mag-alay at tanggapin ang handog na walang pagmamaliw, ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.