3,461 total views
Paggunita kay Santa Clara, dalaga
Deuteronomio 4, 32-40
Salmo 76, 12-13. 14-15. 16 at 21
Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.
Mateo 16, 24-28
Memorial of St. Clare, Virgin (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 32-40
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Isipin ninyo kung may naganap nang tulad nito, nasaksihan o nabalitaan man lamang, mula nang likhain ng Diyos ang daigdig. Maliban sa inyo, sino pa ang nakarinig sa tinig ng Diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buhay? Sinong diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto? Ang mga pangyayaring ito’y ipinamalas niya sa inyo upang maniwala kayo na walang ibang Diyos maliban sa kanya. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo’y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, hinirang niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. Pinuksa niya ang mga bansang mas malakas sa inyo upang maluwag kayong makapanirahan sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. Dahil dito, dapat ninyong malaman na sa langit at sa lupa’y walang ibang diyos liban sa Panginoon. Kaya nga, dapat ninyo sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa gayun, mapapanuto kayo at ang lahing susunod sa inyo; magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay niya sa inyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 76, 12-13. 14-15. 16 at 21
Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.
Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
Sa lahat ng ginawa mo, ako’y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.
Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo’y ipapantay.
Ikaw ang Diyos na ang gawa’y tunay na kahanga-hanga.
Iyang kadakilaan mo’y nahayag na sa nilikha;
Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.
Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo’y tinubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob.
Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at Aaron yaong iyong naging kamay!
Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait,
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 24-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa. Sinasabi ko sa inyo: may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga’t di nila nakikita ang Anak ng Tao na pumaparito bilang Hari.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sa pamamagitan ng paglimot sa sarili, pinapasan natin ang ating krus sa araw-araw sa pagsunod sa yapak ng ating Panginoon. Manalangin tayo upang mapawi ang pagiging makasarili na naghihiwalay sa atin sa Diyos.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Diyos, bigyan Mo kami ng kapangyarihan.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y pasanin ang kanilang krus ng pastoral na pagkalinga at tungkulin na walang makasariling sakripisyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tumanggap ng bigat ng tungkuling publiko nawa’y lumago sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang responsable, totoo, at malinis na pagsasagawa ng kanilang tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Buong puso nawa nating suportahan ang pagsulong ng katotohanan at labanan ang patagong impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga biktima ng opresyon nawa’y magtamo ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdusa at namatay para sa pananampalataya nawa’y umani ng makalangit na gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng aming Panginoong Jesu-Kristo, tanggapin mo ang mga panalangin ng naglalakbay mong bayan na naghahangad na matagpuan ang iyong kalooban sa pagsunod sa mga yapak ng iyong Anak, siya na nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.