3,416 total views
Biyernes ng Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Josue 24, 1-13
Salmo 135, 1-3. 16-18. 21-22 at 24
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Mateo 19, 3-12
Friday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Josue 23, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, tinipon ni Josue sa Siquem ang lahat ng lipi. Pagkatapos, tinawag niya ang matatanda, ang mga hukom, ang mga pinuno at mga tagapangasiwa sa Israel, at sila’y humarap sa Panginoon. Sinabi niya: “Ito ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nakatira sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Tare na ama ni Abraham at ni Nacor. Sumasamba sila sa ibang diyus-diyusan. Tinawag ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong kalawakan ng Canaan. Pinagkalooban ko siya ng maraming inanak at inapo. Naging anak niya si Isaac, at naging anak naman nito si Esau at si Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. Sinugo ko si Moises at si Aaron, at sa tulong ng mga himala’y pinahirapan ko nang katakut-takot ang mga Egipcio. Sa gayong paraan ay hinango ko kayo roon. Inilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sa Dagat ng mga Tambo. Hinabol sila ng mga Egipcio at itinaboy papunta sa dagat. Ang inyong mga ninuno’y nanalangin sa akin, at pinalatag ko ang dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinaguho ko sa mga ito ang nahating dagat at sila’y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
“Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amorreo sa silangan ng Jordan. Binaka nila kayo, at pinapagtagumpay ko kayo sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. Nilabanan kayo ng hari ng Moab, ni Balac na anak ni Zipor at sinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit hindi ko dininig si Balaam, sa halip pinagpala niya kayo. Sa gayun, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. Tumawid ako ng Jordan at sumapit sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amorreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at Jebuseo. At sila’y nalupig ninyo sa tulong ko. Ipinasalakay ko sa mga pukyutan ang dalawang haring Amorreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. Binigyan ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga bayang hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 135, 1-3. 16-18. 21-22 at 24
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan ang Panginoong Diyos pagkat s’ya’y mabuti,
ang kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan,
ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Makapangyarihang higit kaninuman itong Panginoon,
ang kanyang pag-ibig ay mamamalaging panghabang-panahon.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Nang mailabas na’y siya ang kasama habang nasa ilang,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Pinagpapatay n’ya yaong mga haring may kapangyarihan,
ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay,
ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Ang lupain nila’y ipinamahagi sa kanyang hinirang,
ang pag-ibig ng Diyos ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Ipinamahagi niya sa Israel, kanyang mga lingkod,
hindi kumukupas at mananatili ang pag-ibig ng Diyos.
Nang tayo’y masakop ng mga kaaway, pinalaya tayo,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili, hindi magbabago.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 3-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus at tinangkang siluin siya sa pamamagitan ng tanong na ito: “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong kadahilanan?” Sumagot si Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulutan na sa pasimula’y nilalang sila ng Maykapal, lalaki at babae? At sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago hiwalayan iyon?” Sumagot si Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa. Subalit hindi gayun sa pasimula. Kaya sinasabi ko sa inyo: sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anumang dahilan liban sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba, ay nangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya rin.”
Sinabi ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.” Sumagot si Hesus, “Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi yaon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan, dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Nakikilahok sa paglikha ng Diyos ng bagong buhay ang mga asawa at maybahay. Ialay natin ang ating mga panalangin ngayon para sa mga magulang at mga anak.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, punuin mo ng iyong pag-ibig ang aming mga tahanan.
Ang Simbahan nawa’y tunay na maituro sa kanyang mga miyembro ang totoong dangal ng kasal at tulungan ang mga mag-asawa na manatiling magkasama sa banal nilang buhay may-asawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno at mga mambabatas nawa’y magpatupad ng mga batas at tuntunin na nagtatatag ng tahanan at hindi sumisira nito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dumaranas ng mga pagsubok sa kanilang buhay may-asawa nawa’y makatanggap ng biyaya na makapagsumikap isabuhay ang kanilang mga pangako, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilyang nasira dahil sa diborsyo at paghihiwalay nawa’y makatagpo ng suporta at pang-unawa sa kanilang kapwa tao sa kanilang komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nating mga kamag-anak at kaibigan nawa’y magtamo ng kaligayahan at kapayapaan sa walang hanggang tahanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ng pag-ibig, nilikha mo kaming lalaki at babae upang ipagpatuloy ang iyong gawaing lumikha. Ang pagmamahal namin sa isa’t isa nawa’y sumalamin sa iyong pananahan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.