7,028 total views
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 24, 3-21
Salmo 56, 2. 3-4. 6 at 11
Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.
Marcos 3, 13-19
Friday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 24, 3-21
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, pumili si Saul ng tatlunlibong Israelita at isinama sa paghahanap kay David sa Bundok ng Mailap na Kambing. Nang matapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, nanabi siya sa may bunganga ng kuweba sa tapat ng kulungan. Samantala, sina David ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na marahil ang katuparan ng salita ng Panginoon na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Palihim na lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuutan ni Saul. Nang magawa niya ito, siya’y inusig ng kaniyang budhi pagkat para na niyang nilapastangan ang hari. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ng Panginoon na lapastanganin ko ang hari na kanyang hinirang.” At napakiusapan niya ang kanyang mga kasama na huwag galawin si Saul. Ito nama’y nagtindig na at nagpatuloy ng kanyang lakad.
Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at humiyaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. Sinabi niya, “Bakit po kayo naniwala sa nagsabi sa inyo na ibig ko kayong patayin? Pinatunayan ko ngayon na hindi totoo ‘yon. Nang kayo’y manabi sa may bunganga ng kuweba, ibig kayong patayin ng aking mga kasama, ngunit hindi ako pumayag. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari pagkat siya’y hinirang ng Panginoon. Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito’y napiraso ko sa inyong kasuutan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. Ang Panginoon ang humatol sa atin. Siya na ang bahala sa inyo, ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. Gaya ng ating kasabihan, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ ngunit ako ay di maaaring magbuhat ng kamay sa inyo. Sino ako upang paghanapin ng hari? Ako’y tulad lamang ng isang patay na aso o kasinliit ng pulgas! Ang Panginoon ang humatol sa ating dalawa. Siya ang higit na nakaaalam tungkol sa usapang ito, at siya ang magliligtas sa akin laban sa inyo.”
Pagkatapos magsalita si David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya’y nanangis. Sinabi pa ni Saul, “Higit kang mabuti kaysa akin. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. Ito’y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinaslang bagamat maluwag mong magagawa. Bihira sa tao ang makagagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ng Panginoon sa kabutihan mong ito sa akin. Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at natitiyak kong mapapanatag ang bansang ito sa ilalim ng iyong pamamahala.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 56, 2. 3-4. 6 at 11
Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.
Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa ‘yo lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.
Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan,
ang Diyos na nagdulot ng lahat kong kailangan,
magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko’y lubos niyang magagahis;
ang tapat n’yang pagmamahal at matatag na pag-ibig,
ihahayag ito ng Diyos, sa aki’y di ikakait.
Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.
Ihayag mo sa itaas, O Diyos, ang kabantuga’t
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa kaburulan, kasama ang kanyang mga pinili. Humirang siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol upang maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na tinagurian niya ng Pedro; si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, sila’y tinagurian niyang Boanerges, na ibig sabihi’y mapupusok; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, at Tadeo; si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Bilang Banal na Bayan na tinawag ng Diyos sa iba’t ibang pamamaraan upang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kanyang Paghahari, iluhog natin ang ating mga pangangailangan sa Ama na nag-aaruga sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tumawag sa amin,
ibahagi Mo sa amin ang Iyong kapangyarihan.
Ang mga tinawag sa Simbahan na mamuno sa Bayan ng Diyos nawa’y magkaroon ng tapang na ipalaganap ang Ebanghelyo ni Jesu-Kristo saanmang sulok ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahanap sa Diyos nawa’y matagpuan nila ang kaliwanagan at buong kaloobang tumugon sa paanyaya ng Diyos na makasama niya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y marinig at makilala nila ang tinig ni Kristo na tumatawag sa kanila sa buhay na paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y tumanggap ng kasiyahan at lakas mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y makapahinga sa kapayapaan ni Kristo sa kanyang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama sa Langit, tinawag mo kami mula sa mga ordinaryong pagkakataon sa aming buhay; hayaan mo na bigyan kami ng iyong Espiritu ng lakas na bigkasin: “Panginoon, narito ako upang sundin ang kalooban mo.” Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.