7,491 total views
Ika-5 ng Enero
1 Juan 3, 11-21
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Juan 1, 43-51
Weekday of the Christmas Season (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 3, 11-21
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, ito ang aral na narinig na ninyo sa simula pa: mag-ibigan tayo. Huwag tayong tumulad kay Cain; siya’y anak ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masasama ang kanyang gawa ngunit matutuwid ang gawa ng kanyang kapatid.
Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid; at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Kristo ang kanyang buhay dahil sa atin. Dapat din nating ialay ang ating buhay dahil sa mga kapatid. Kapag nakita ng sinumang may kaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, paano niya masasabing siya’y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.
Dito natin makikilalang tayo’y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo’y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Pumasok lahat sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Banal na araw sumikat:
halina’t sumambang lahat
sa nanaog na Liwanag!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 43-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, minabuti ni Hesus na magpunta sa Galilea. Nakita niya si Felipe, at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” Si Felipe’y taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro. Hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ang mga propeta.” “May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?” tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”
Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” Wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakakita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 5
Narinig na natin ang Salita ng Diyos na ipinahayag sa atin. Nakikita niya ang ating mga tapat na pagsisikap na mamuhay nang matuwid at muli nating hinihiling ang kanyang tulong.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ni Jesus, dinggin Mo ang aming panalangin.
Ang Simbahan nawa’y walang takot na magpatuloy sa pangangaral sa mga tao upang magsisi sa kasalanan at manampalataya sa Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon.
Anuman ang kanilang kalagayan sa buhay nawa’y higit pang maraming tao, ang magpahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya nawa’y magsikap na gawin ang kanilang tahanan bilang mga lugar kung saan maririnig ng mga bata na tinatawag sila ng Diyos sa kanilang pangalan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y manangan sa mga walang hanggang katotohanan ng Mabuting Balita ni Kristo at ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng iyong bayan. Huwag mo nawang bigyang-pansin ang aming mga makasalanang gawi, kundi ipakita sa amin ang iyong habag. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.