4,372 total views
Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Antonio Maria Zacarria, pari
Amos 8, 4-6. 9-12
Salmo 118, 2. 10. 20. 30. 40. 131
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Mateo 9, 9-13
Friday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Anthony Zaccaria, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Amos 8, 4-6. 9-12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa nangangailangan at kayong umaapi sa mga dukha. Ang sabi ninyo sa inyong sarili, “Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pamamahinga. Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani. Kailan ba matatapos ang Sabbath, para mailako namin ang mga trigo? Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng maling takalan at dadayain namin sa timbang ang mga namimili. Sa halaga ng isang pares na sandalyas, aming bibilhin bilang alipin ang taong dukha. Pati tulyapis ng trigo ay ipagbibili namin sa mataas na halaga.”
“Sa araw na yaon, lulubog sa katanghalian ang araw at magdidilim sa buong maghapon. Akong Panginoon ang nagsasabi nito. Ang inyong kapistaha’y gagawin kong araw ng pamimighati; at ang masasayang awitin ninyo’y magiging panangisan. Pipilitin ko kayong magtalukbong ng magaspang na sako at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo. Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak. Ang araw na yao’y magiging mapait hanggang sa huling sandali.
“Darating din ang araw na paiiralin ko sa lupain ang taggutom. Magugutom sila ngunit di sa pagkain; mauuhaw sila ngunit di sa tubig. Ang kauuhawan nila’y ang aking mga salita. Akong Panginoon ang nagsasabi nito. Mula sa hilaga papuntang timog at mula sa silangan pakanluran, hahanapin nila ang salita ng Panginoon, subalit di nila masusumpungan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 2. 10. 20. 30. 40. 131
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong babayaan.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Ang puso ko’y nasasabik, at ang laging hinahangad,
ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko’y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako’y pagpalain.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 9-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo; nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo sa mga publikano at mga makasalanan ang inyong guro? Narinig ito ni Hesus at siya ang sumagot, “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Dumating si Kristo upang tawagin ang mga makasalanan at ibigay ang kaligtasan sa kanila. Mulat sa pagtawag na ito, may kababaang-loob tayong manalangin sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manggagamot, pakinggan Mo kami.
Ang mga mahihina at makasalanan nawa’y makita ang Simbahan bilang tahanang bukal ng kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nasa paglilingkod ng bayan nawa’y isagawa nang may kalinisan at katapatan ang kanilang mga tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng Eukaristiyang ito nawa’y madama natin ang mapagpagaling na habag ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala nawa’y tingnan natin nang may habag at pang-unawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y makadama ng mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, may pananalig tulad ni Abraham na sumunod sa iyong pagtawag, itinataas ng iyong Kristiyanong Sambayanan ang kanilang mga panalangin. Nawa’y ipagkaloob mo ang iyong ibinunsod na aming hilingin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.