8,260 total views
Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Oseas 14, 2-10
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Marcos 12, 28b-34
Friday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sabi ng Panginoon: “Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.” Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay sa mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang makatatagpo ng awa ang mga ulila.”
Sabi ng Panginoon, “Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”
Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Sa paglabas namin sa bansang mabagsik,
ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala’y aking iniibis,
ipinababa ko ang pasaning basket.
Iniligtas kita sa gitna ng hirap,
iniligtas kita nang ika’y tumawag.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba.
Kapag nangungusap, ako’y inyong dinggin,
sana’y makinig ka, O bansang Israel.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Ang diyus-diyosa’y huwag mong paglingkuran,
diyos ng ibang bansa’y di dapat luhuran.
Ako’y Panginoon, ako ang Diyos mo,
Ako ang tumubos sa ‘yo sa Egipto.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Ang tangi kong hangad, sana ako’y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
ang lalong mabuting bunga nitong trigo,
ang siyang sa inyo’y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot,
ang siya sa inyo’y aking idudulot.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Biyernes
Manalangin tayo sa Diyos Ama na pukawin ng kanyang pag-ibig ang lahat at ang kanyang pag-ibig ay matatak sa ating pakikitungo sa bawat tao.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoong Diyos, palaguin Mo kami sa Iyong pag-ibig.
Ang Simbahan nawa’y hindi kailanman tumigil sa pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa bilang puso ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang huwag kaligtaan kailanman ang magpadama ng habag sa mga kapuspalad, sa mga walang nagmamahal at mga nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang pakitunguhan ang bawat tao nang may kabutihang-loob at paggalang, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit at matatanda nawa’y magkaroon tayo ng higit na habag sa pamamagitan ng banayad na pagpukaw ng Espiritu Santo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating yumaong mga mahal sa buhay, nawa’y ihatid ni Kristo sa kanyang walang hanggang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ibigin ka at ang aming kapwa nang walang hangganan katulad ng ginagawa mo. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.