2,003 total views
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Juan, 4-9
Salmo 118, 1. 2. 10. 11. 17. 18
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Lucas 17, 26-37
Friday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Juan, 4-9
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Juan
Hirang na Ginang, labis kong ikinagagalak na makitang namumuhay ayon sa katotohanan ang ilan sa iyong mga anak, alinsunod sa utos sa atin ng Ama. At ngayon, Ginang, ako’y may hihilingin sa iyo. Hindi isang bagong utos ang isinisulat ko sa iyo kundi ang dating utos na sa simula pa’y nasa atin na: mag-ibigan tayong lahat. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo ayon sa pag-ibig. At ito ang kahulugan ng pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay ayon sa mga utos ng Diyos.
Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya – mga taong hindi nagpapahayag na si Hesukristo’y naging tao. Ang gayong mga tao ay magdaraya at anti-Kristo. Mag-ingat nga kayo upang huwag mawala ang inyong pinagpaguran, kundi lubusan ninyong kamtan ang gantimpala.
Ang hindi nananatili sa turo ni Kristo kung nagdaragdag dito, ay hindi pinananahan ng Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Kristo ay pinananahan ng Ama at ng Anak.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1. 2. 10. 11. 17. 18
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang sumusunod sa kaniyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong babayaan.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa ‘yo kailanman.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana’y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.
Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 26-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa, hanggang sa araw na sumakay si Noe sa daong. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayun din noong panahon ni Lot. Ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, namimili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Gayun din sa pagdating ng Anak ng Tao.
“Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang kanyang mga ari-arian sa loob ng bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makapagliligtas nito. Sinasabi ko sa inyo: may dalawang lalaking natutulog sa isang higaan sa gabing iyon; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.” “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung saan naroon ang mga bangkay, doon naman nagkakatipon ang mga buwitre.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sa wakas ng panahon, ipadadala ng Diyos ang kanyang mga anghel upang tipunin ang kanyang mga hinirang. Habang ating ipinapanalangin ang pangangailangan ng lahat ng sangkatauhan, hilingin natin sa Diyos na matagpuan niya taong handang humarap sa kanya sa kanyang muling pagbabalik.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumaamin nawa ang iyong habag.
Ang Simbahan sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa kanilang buhay nawa’y higit na makahikayat ng mga tao at mga bansa sa daan ng kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong sumasampalataya nawa’y magpahayag ng kanilang pananampalataya sa buhay na walang hanggan at maunawaan ang walang hanggang bunga ng bawat kilos natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating sarili nawa’y maihanda natin sa pagdating ng paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng tuwinang pamumuhay sa katotohanan, katapatan, at pagmamahal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga biktima ng pag-uusig at pang-aabuso nawa’y makatagpo ng tunay na kagalingan upang makamit nila ang katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y bumangong muli sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, hindi namin alam ang oras ng iyong pagbabalik ngunit umaasa kaming hindi kami pababayaan ng iyong pagmamahal. Gawin mo kaming aktibong umaasa, at nawa’y tanggapin ka namin ngayon sa aming puso. Hinihiling namin ito kay Kristong aming Panginoon. Amen.