3,235 total views
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 4, 1-6
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Lucas 12, 54-59
Friday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagkumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa lamang ang Espiritu; gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 54-59
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong makapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at gayun nga ang nangyayari. At kung umihip ang hanging timog ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakagayon nga. Mga mapagpaimbabaw! Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa’t sa langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?
Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid? Kapag isinakdal ka sa hukuman, makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sinasabi ng Panginoon na maging handa tayo sa araw ng kanyang pagbabalik. Dumulog tayo sa Ama habang nananalangin, naghahanda, at naghihintay sa pagdating ng Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ihanda mo kami sa iyong paghahari, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y tumugon sa panawagan sa pagbabago at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may mabuting kalooban nawa’y sama-samang kumilos upang bigyang tuldok ang giyera at suklam, paniniil at kawalang katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mas higit na maging mulat sa presensya ni Kristo sa gitna ng mahihirap at nagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mabigyan ng lakas at pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga kaibigan at kamag-anak na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kaligayahan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin. Buksan mo ang aming mga mata sa iyong presensya. Gawin mo kaming malapit sa iyo araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.