2,559 total views
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo
Isaias 58, 1-9a
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Mateo 9, 14-15
Friday after Ash Wednesday (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 58, 1-9a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ikaw ay sumigaw nang ubos-lakas,
ang sala ng bayan ko sa kanila’y ihayag.
Sinasamba ako,
kunwa’y hinahanap, sinusundan-sundan,
parang natutuwang ang kalooban ko’y kanilang malaman;
ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid,
at di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay.
Wari’y natutuwang sa aki’y sumamba.
At ang hinihingi’y hatol na matuwid.”
Ang tanong ng mga tao, “Bakit ang pag-aayuno nati’y
di pansin ng Panginoon?
Nagugutom lang tayo ngunit walang kabuluhan.”
ang sagot ng Panginoon,
“Pansariling kapakanan pa rin
ang pangunang layunin sa pag-aayuno,
habang ang nag-aayuno’y patuloy na inaapi ang mahihirap.
Ang pag-aayuno ninyo’y
humahantong lamang sa alitan
hanggang kayu-kayo’y nag-aaway-away.
Kung ang pag-aayunong ginagawa ninyo
ay gayun din lamang,
ang inyong pagtawag
ay tiyak na hindi ko pakikinggan.
Sa inyong pag-aayuno
pinahihirapan ninyo ang inyong sarili.
Yumuyuko kayong parang damong hinihipan ng hangin.
Nagdaramit kayo ng sako at nahihiga sa abo,
pag-aayuno na ba iyan?
Akala ba ninyo’y nasisiyahan ako riyan?
Ito ang gusto kong gawin ninyo:
tigilan na ninyo ang pang-aalipin;
sa halip ay pairalin ang katarungan;
ang mga api’y palayain ninyo at tulungan.
Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang inyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway.
hindi maglalao’t
gagaling ang inyong sugat sa katawan,
ako’y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon,
diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
pag kayo’y tumawag,
Ako’y tutugon agad.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Hugasan mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14
Matuwid ang dapat gawin,
Masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.
MABUTING BALITA
Mateo 9, 14-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong Panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan Bautista at ang wika, “Malimit kaming mag-ayuno, gayun din ang mga Pariseo. Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na siya, saka pa lamang sila mag-aayuno.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Biyernes Pagkaraan ng Miyerkules ng Abo
Sa pamamagitan ng pag-aayuno, binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating buhay. Hilingin natin sa Panginoon na palakasin tayo sa ating pagpapakasakit upang matatag nating maituon ang ating mga isip at puso sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, nasa Iyo ang aming tunay na kagalakan.
Bilang mga alagad ni Kristo, tayo nawa’y makasunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y magtiyaga sa kanilang mga pagsasakriprisyo ngayong Kuwaresma, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pagtitimpi at pagpipigil sa sarili alang-alang sa Panginoon nawa’y matumbasan ng kaligayahan sa piling niya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, nasa bingit ng kamatayan at namimighati sa buhay nawa’y mapuspos ng biyaya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang namayapa nating mga kamag-anak at mga kaibigan nawa’y malayang makabahagi sa buhay ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipagkaloob mo sa amin ang lakas upang mailaan namin ang mga sarili na mamuhay ayon sa Espiritung nananahan sa amin, na siyang lulupig sa aming mga kahinaan upang lubos kaming makabahagi sa Muling Pagkabuhay ng aming Panginoong Jesu-Kristo. Amen.