4,241 total views
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Filipos 2, 6-11
Juan 3, 13-17
Feast of the Exaltation of the Cross (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 21, 4b-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin
ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos.
Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ang Pagtatampok sa Krus na Banal
Manalangin tayo sa Diyos Ama na nagmahal nang labis sa mundo kaya’t ibinigay ang kanyang bugtong na Anak upang mamatay sa krus para sa atin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng krus, dinggin mo kami, O Panginoon.
Ang Simbahan sa lupa nawa’y magpatuloy sa paglaban patungo sa tagumpay sa ilalim ng bandila ng krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mamamayan ng ibang bansa at kultura nawa’y makatagpo ng kalayaan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesukristong itinaas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nangangailangan ng habag at pagpapatawad ng Diyos nawa’y makatagpo ng pag-asa sa krus ni Kristo bilang daan sa kapayapaan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makita sa krus ni Kristo ang pag-asa sa lubos na paggaling at panunumbalik ng kalusugan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nahihimlay kay Kristo nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng sakripisyo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming mapagmahal, nasa krus ang aming pag-asa sa buhay na ito at sa kabila. Ipagkaloob mo ang aming mga kahilingan habang nagpupuri kami sa iyo dahil sa iyong mga awa sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.