8,040 total views
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, Mga Martir
1 Juan 1, 5 – 2, 2
Salmo 123, 2-3. 4-5. 7b-8
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Mateo 2, 13-18
Feast of the Holy Innocents, martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
1 Juan 1, 5 – 2, 2
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, ito ang aming narinig kay Hesukristo, at ipinahahayag namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw, at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo’y kaisa niya, ngunit namumuhay naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, kung paanong siya’y nasa liwanag; tayo’y nagkakaisa at nililinis ng dugo ni Hesus na kanyang Anak sa lahat ng ating kasalanan.
Kung sinabi nating tayo’y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili, at wala sa atin ang katotohanan. Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 123, 2-3. 4-5. 7b-8
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Kung ang Panginoong Diyos, sa amin ay di pumanig,
noong kami’y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay,
sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Maaaring kami noo’y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata’t tuluy-tuloy na nalunod;
sa lakas ng agos noo’y nalunod nga kaming lubos.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Nang ang bitag ay mawasak lubos tayong nakalaya.
Tulong nating kailangan ay sa Poon nagmumula,
pagkat itong lupa’t langit tanging siya ang lumikha.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Tanang martir na nag-alay
ng sarili nilang buhay
sa iyo’y nagpaparangal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 2, 13-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Pagkaalis ng mga Pantas, napakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya, “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya dali-daling bumangon si Jose at nang gabing iyo’y dinala sa Egipto ang mag-ina. Doon sila tumira hanggang sa mamatay si Herodes.
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking Anak mula sa Egipto.”
Galit na galit si Herodes nang malamang siya’y napaglalangan ng mga Pantas. Kaya’t ipinapatay niya ang mga batang lalaki sa Betlehem at mga palibot na pook – lahat ng may gulang na dalawang taon pababa, alinsunod sa panahon ng paglitaw ng tala na natiyak niya sa mga Pantas.
Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
“Narinig sa Rama ang malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Hindi siya maaliw sa tindi ng kalungkutan dahil sa pagkamatay nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 28
Mga Banal na Sanggol
Isinilang si Kristong ating Panginoon sa isang mundong winasak ng kasalanan. Ang kalupitang umangkin sa buhay ng mga Banal na Sanggol ang sa kalauna’y nagdala sa kanya sa krus. Manalangin tayo para sa mundong ito, nawasak ngunit tinubos ng sakripisyo ng pag-ibig ng mga walang-malay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng dugo ng mga martir, dinggin kami, O Panginoon.
Ang mga batang hindi pa naisisilang nawa’y iligtas ni Kristo, na isinilang bilang ating Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Diyos, na siyang bukal ng lahat ng buhay nawa’y magdala ng katapusan sa paglalaglag ng mga sanggol sa sinapupunan at sa lahat ng anyo ng karahasan sa ating mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y makapagtatag ng isang lipunan ng pag-ibig at katarungan na nakabatay sa paggalang sa buhay ng bawat tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Diyos, na nagsugo ng kanyang Anak upang magligtas at hindi upang magpahamak nawa’y siya ring humipo sa puso ng lahat ng nagpalaglag ng sanggol sa kanilang sinapupunan at pagkalooban sila ng biyaya ng pagsisisi at pagbabago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng batang hindi naisilang dahil sa paglalaglag sa kanila mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina nawa’y tanggapin sa walang hanggang tirahang inihanda sa Langit para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Mahabagin at butihing Ama, tanggapin mo ang aming mga panalangin sa aming pagsisikap na unawain ang hiwaga ng dugo ng walang malay. Tulungan mo kaming laging alalahanin ang ipinako sa krus at Muling Nabuhay na Anak mo na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.