7,723 total views
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo
Mga Gawa 22, 3-16
o kaya Gawa 9, 1-22
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Marcos 16, 15-18
Feast of the Conversion of Saint Paul, Apostle (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 3-16
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa mga tao, “Ako’y isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Nag-aral ako kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Tulad ninyong lahat, ako’y masugid na naglilingkod sa Diyos. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko at ipinabilanggo sila, lalaki’t babae. Makapagpapatotoo tungkol dito ang pinakapunong saserdote at ang buong kapulungan ng matatanda. Binigyan pa nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, at pumunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod doon at dalhin dito sa Jerusalem upang parusahan.
“Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco. Biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig?’ Ako’y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako’y si Hesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig,’ tugon niya. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. At akin ding itinanong, ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ Ang tugon sa aki’y, ‘Tumindig ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damasco.
“May isang lalaki sa Damasco na ang pangala’y Ananias. Siya’y taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon di’y nanauli ang aking paningin at nakita ko siya. Sinabi pa niya, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, huwag ka nang mag-atubili. Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabinyag, at magiging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Gawa 9, 1-22
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, masidhi ang pagnanais ni Saulo na usigin at patayin ang mga alagad ng Panginoon. Kaya’t lumapit siya sa pinakapunong saserdote, at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya ang sinumang matagpuan niya roong kaanib sa bagong pananampalataya – maging lalaki, maging babae – at madala sa Jerusalem.
Naglakbay si Saulo patungong Damasco. Nang siya’y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit, anupat nasubasob siya. At narinig niya ang isang tinig na nagsalita sa kanya, “Saulo! Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino po kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako’y si Hesus, ang iyong inuusig,” tugon sa kanya. “Tumindig ka’t pumasok sa lungsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin.” Natigilan ang mga kasama ni Saulo; narinig nila ang tinig ngunit wala silang makitang sinuman. Tumindig si Saulo at idinilat ang kanyang mata ngunit hindi siya makakita, kaya’t siya’y inakay nila hanggang sa Damasco. Tatlong araw na hindi siya nakakita, at hindi kumain ni uminom.
Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala’y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon?” tugon niya. “Pumunta ka sa kalye Matuwid, sa bahay ni Judas at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala’y Saulo,” sabi ng Panginoon. “Siya’y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang makakita.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito, tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong saserdote, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumaroon ka! Sapagkat hinirang ko siya upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. At ipaaalam ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
Pumunta nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. “Kapatid na Saulo,” wika niya, “pinapunta ako rito ng Panginoong Hesus na napakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Sinugo niya ako upang muli kang makakita, at mapuspos ng Espiritu Santo.” Pagdaka’y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita na siya. Tumindig siya agad at nagpabinyag. Kumain siya at nanauli ang kanyang lakas.
Si Saulo’y ilang araw na kasama-sama ng mga alagad sa Damasco. Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral tungkol kay Hesus. “Siya ang Anak ng Diyos,” wika niya. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig sa mga tumatawag sa pangalang ito sa Jerusalem?” tanong nila. “Hindi ba’t naparito siya upang sila’y dakpin at dalhing gapos sa mga punong saserdote?”
Ngunit lalong naging mahusay si Saulo sa kanyang pangangaral at nalito ang mga Judiong naninirahan sa Damasco dahil sa kanyang matibay na pagpapatunay na si Hesus ay siyang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ang lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibig
Na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Enero 25
Ang Pagbabalik-loob ni San Pablo
Ipanalangin natin ang misyon ng Simbahan at ang mga pangangailangan ng mundong tinubos ni Kristo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maging mapagpala ka nawa sa Iyong bayan, O Panginoon.
Ang Santo Papa, mga obispo, at mga pari nawa’y maging masigasig sa pangangaral ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero nawa’y magkaroon ng tapang na ipahayag ang Ebanghelyo maging sa mahihirap na pagkakataon at mapanganib na lugar, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aaalinlangan at nasisiraan ng loob nawa’y matuklasan ang walang hanggang katotohanan na walang iba kundi si Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, nangungulila, at maysakit nawa’y makatanggap sa kanilang paghihirap ng ginhawang dulot ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan at makatagpo nawa nila ang Diyos sa kanyang kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Manunubos, habang inuusal namin ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni San Pablo, palalimin mo ang biyaya ng pagbabalik-loob sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.