4,430 total views
Huwebes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Isabel na taga-Portugal
Amos 7, 10-17
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
Mateo 9, 1-8
Thursday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Elizabeth of Portugal, Married Woman, Queen (White)
UNANG PAGBASA
Amos 7, 10-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Noong mga araw na iyon, si Amasias, ang saserdote sa Betel, ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “May binabalak laban sa inyo ang propetang si Amos,” aniya. “Dahil sa kasasalita niya’y nagugulo ang bayan. Sinasabi niyang kayo’y mamamatay sa digmaan at dadalhing bihag sa ibang lupain ang mga taga-Israel.”
Pagkatapos, hinarap ni Amasias, si Amos, “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka maghanapbuhay sa pamamagitan ng iyong panghuhula. Huwag ka nang manghuhula rito sa Betel. Narito ang pambansang templo at dito sumasamba ang hari.”
Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya, sa mga taga-Israel. Kaya pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon. Pinatitigil mo akong manghula laban sa Israel at mga inapo ni Isaac. Dahil diyan, Amasias, ito naman ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon, ‘Ang asawa mo’y magiging isang masamang babae sa lungsod at masasawi sa larangan ng digmaan ang mga anak mo. Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay sa isang bayang di kumikilala sa Panginoon. Ang mga taga-Israel ay dadalhing bihag sa ibang lupain.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
Nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
Ito’y higit pa sa ginto, maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Matuwid ang kahatulan
ng Panginoon ng tanan.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sariling bayan. Pagdating niya roon, dinala sa kanya ng ilang katao ang isang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Isinaloob ng ilang eskribang naroon, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali: ang sabihing, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad,’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao’y may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” Tumindig nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila’y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Taglay ang buong pananalig ng mga kaibigan ng paralitiko, dalhin natin sa Panginoon ang ating mga pangangailangan at ang mga dalamhati ng Simbahan at ng mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, palakasin at ibangon Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y palagiang isagawa ang mapagligtas na misyon ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pari na nagdiriwang ng Sakramento ng Pakikipagkasundo nawa’y laging magpakita ng habag at pang-unawa sa lahat ng mga nagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging laging handang magpatawad ng ating kapwa sapagkat bahagi ito ng ating tungkulin sa pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng kasiyahan at pag-asa sa gitna ng kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y makasalo sa walang hanggang kapayapaan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa kapatawaran na dulot ng iyong Anak sa amin. Kami nawa’y makapagpatawad sa mga nagkakasala sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.