1,555 total views
Huwebes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Margarita ng Escosia
o kaya Paggunita kay Santa Gertrudes, dalaga
Karunungan 7, 22 – 8, 1
Salmo 118, 89. 90. 91. 130. 135. 175
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Lucas 17, 20-25
Wednesday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Margaret of Scotland, Queen (White)
or Optional Memorial of St. Gertrude, Virgin (White)
UNANG PAGBASA
Karunungan 7, 22 – 8, 1
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Ang diwa ng Karunungan ay matalino at banal.
Iisa ang kanyang kalikasan ngunit napagkikilala sa maraming paraan.
Siya’y dalisay at walang katawang materyal, at malayang magparoo’t parito;
malinis, nagtitiwala at di maaaring mapinsala;
maibigin sa mabuti, matalas at di malulupig.
Ang Karunungan ay mapagkawanggawa, mabait,
matatag, tiyak, hindi nababalisa,
makapangyarihan at nakikita ang lahat ng bagay.
Ang Karunungan ay laganap sa lahat ng diwang matalino, matalas at dalisay.
Pagkat ang Karunungan ay mas maliksi kaysa damdamin,
at dahil sa kanyang kadalisayan, siya’y laganap sa lahat ng bagay.
Siya ay tilamsik ng kapangyarihan ng Diyos,
maningning na silahis ng kanyang kaluwalhatian.
Kaya walang marumi na makalalapit sa kanya.
Siya ay sinag ng walang hanggang liwanag,
salaming kinababakasan ng mga gawa at kabutihan ng Diyos.
Bagamat nag-iisa ang Karunungan, magagawa niya ang lahat ng bagay,
at bagaman siya’y hindi nagbabago, nababago niya ang lahat ng bagay.
Sa lahat ng salinlahi, siya’y lumalagay sa mga banal,
at ang mga ito’y ginagawa niyang mga propeta at mga kaibigan ng Diyos.
Walang pinakamamahal ang Diyos nang higit pa sa mga taong nawiwili sa Karunungan.
Ang Karunungan ay mas maganda kaysa araw,
higit ang kagandahan kaysa mga bituin, at higit pa sa liwanag.
Sapagkat ang liwanag ay nahahalinhan ng dilim,
ngunit ang Karunungan ay di nalulupig ng masama kailanman.
Ang lakas niya’y abot sa lahat ng sulok ng daigdig.
At maayos na pinamamahalaan ang lahat ng bagay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 89. 90. 91. 130. 135. 175
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Ang salita mo, O Poon, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago,
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo’y naglilingkod.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Sa buhay ko’y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
Upang ako ay magpuri, ako’y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.
ALELUYA
Juan 15, 5
Aleluya! Aleluya!
Ako’y puno, kayo’y sanga;
kapag ako ay kaisa,
kayo’y t’yak na mamumunga.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 20-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan itatatag ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay walang makikitang palatandaan. At wala ring magsasabing nagsisimula na roon o rini. Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa kanya.”
At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahong hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo makikita iyon. At may magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narini siya!’ Huwag kayong pumunta upang siya’y hanapin. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao’y darating na parang kidlat. Ngunit kailangan munang magbata siya ng maraming hirap, at itakwil ng mga tao sa ngayon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Manalangin tayo nang may ganap na pananalig sa Panginoon ng buhay na naghihintay sa atin sa dulong hangganan ng daan ng buhay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sumaamin nawa ang Iyong paghahari, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y palagiang ihanda ang mga tao sa pagtanggap kay Kristo sa kanyang pagbabalik, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pagpapasyang kumilos para sa katarungan at kapayapaan, ang mga Kristiyano nawa’y pagbuklurin ang lahat ng tao nang sama-sama sa pananampalataya at pag-asa, at ihanda sila sa muling pagdating ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga trahedya, gawa man ng tao o ng kalikasan, nawa’y hindi magpaligalig o magpahina ng ating pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y tanggapin si Jesus sa kanilang mga puso at makita siyang kasa-kasama nila sa kanilang dinaranas na mga pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga yumao nawa’y mapalaya mula sa mga suliranin ng mundong ito at lumigaya sa walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, laging kang malapit sa amin. Alam mo ang aming mga pangangailangan, higit pa sa aming pagkabatid. Tulungan mo kaming maging mulat sa iyong presensya ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.