3,242 total views
Huwebes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Antonio Maria Claret, obispo
Efeso 3, 14-21
Salmo 32, 1-2. 4-5. 11-12. 18-19
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Lucas 12, 49-53
Thursday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Anthony Mary Claret, Bishop (White)
UNANG PAGBASA
Efeso 3, 14-21
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako’y naninikluhod sa Ama, na siyang pinagtutularan ng pagkaama sa bawat sambahayan sa langit at sa lupa. Hinihiling ko, ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan, na palakasin niya ang inyong buhay espirituwal sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Nawa’y manahan si Kristo sa inyong puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya upang sa inyong pag-uugat at pagiging matatag sa pag-ibig, maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang, kung gaano kadakila ang pag-ibig ni Kristo. At nawa’y makilala ninyo ang di matingkalang pag-ibig na ito upang mapuspos kayo ng kapuspusan ng Diyos.
Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin – sumakanya ang kapurihan sa pamamagitan ng simbahan at ni Kristo Hesus magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 11-12. 18-19
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
ALELUYA
Filipos 3, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 49-53
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki,
Ang ina at ang anak na babae,
At gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Maaaring dumating sa atin ang mga pagsubok at mga suliranin. Subalit bunga ng ating buong pagtitiwala sa kalooban ng Diyos Ama, patuloy tayong nananalig na hindi siya magkukulang sa kanyang pangako.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin mong karapat-dapat ang aming buhay sa iyo, O Panginoon.
Ang mga pinuno ng Simbahan na hayagang inuusig nawa’y mabigyan ng tapang at lakas upang manatili sa kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y magkaroon ng lakas at tapang na patnubayan ang kanilang mga anak sa pamamaraan ng pananampalataya at Kristiyanong pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya at mga komunidad na pinaghihiwalay ng pagkakaiba ng relihiyon nawa’y matagpuan ang katotohanan at magpakita ng paggalang sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga matatanda, at mga may kapansanan nawa’y tumanggap ng pag-ibig at pagkalinga mula sa kanilang mga kapamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y maging maligaya magpakailanman sa Kaharian ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, ipinadala mo ang iyong Anak upang tulungan kami sa aming mga paghihirap. Kalingain mo kami sa aming mga sakit at bigyang lakas kami upang laging makatugon nang may pananalig sa iyong salita. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.