3,270 total views
Huwebes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Maria Faustina Kowalska
Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Lucas 10, 1-12
Thursday of the Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Maria Faustina Kowalska, Virgin (White)
UNANG PAGBASA
Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12
Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias
Noong mga araw na iyon, unang araw ng ikapitong buwan ng taon, nagkatipon ang lahat ng Israelita sa Jerusalem, sa liwasang bayang nasa harapan ng Pintuan patungo sa Tubig. Hiningi nila kay Ezra ang aklat ng Kautusan ni Moises na ipinatutupad ng Panginoon sa bayang Israel. Si Ezra ay isang saserdote at dalubhasa sa kautusan na sinugo ng Panginoon nang panahon ni Moises. Kinuha nga ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti.
Siya ay nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon.
Si Ezra ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!” ang wika niya.
Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon.
Binasa ni Ezra nang maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan.
Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban, anupat sila’y napaiyak. “Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong Diyos,” wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita. Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga kaya’t sinabi nila, “Huwag kayong umiyak.” Wika pa nila, “Umuwi na kayo at magdiwang! Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”
Ang mga tao’y inaliw ng mga Levita, at pinatahimik ang mga ito. Wika sa kanila, “Walang dapat malungkot sa inyo, sapagkat ang araw na ito ay banal.” Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang, kumain sila at uminom at binahaginan naman ang wala. Silang lahat ay nagdiwang sapagkat naunawa nga nila ang ipinaliwanag sa kanila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyong nalalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Lumapit tayo sa Panginoon ng ani, at ipanalangin natin ang mga pangangailangan ng Simbahan at ng buong mundo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Basbasan mo ang aming pagpapagal, O Panginoon.
Ang lahat ng sumasampalataya nawa’y maging mulat na tinawag ng Diyos sa pagpapalaganap ng kanyang Kaharian ng kapayapaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging mulat sa ating bokasyon na magpahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa ating pamayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magsasakang nagbubungkal ng lupa nawa’y biyayaan ng mabuting panahon at mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nahihirapan sa buhay nawa’y makilala ang Diyos na nagmamalasakit sa kanila sa pamamagitan ng pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao na nagpagal sa buhay na ito nawa’y tumanggap ng makalangit na gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming makilahok nang masaya sa gawaing pagpapahayag ng iyong Ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa na aming pinakikita sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.