9,191 total views
Huwebes kasunod ng Miyerkules ng Abo
Deuteronomio 30, 15-20
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Lucas 9, 22-25
Thursday after Ash Wednesday (Violet)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 30, 15-20
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig ang Panginoon, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing tatahanan ninyo sa ibayo ng Jordan. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal. Ibigin ninyo ang Panginoon, makinig sa kanyang tinig at manatiling tapat sa kanya. Sa gayun, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA
Lucas 9, 22-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magtiis ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”
At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya’y mapapahamak?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Huwebes Pagkaraan ng Miyerkules ng Abo
Tinatawag tayo ng Panginoong Jesus upang sumunod sa kanya, magpasan ng krus katulad niya, at ihabilin sa kanya ang lahat ng nagdurusa.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, loobin Mong ang Iyong krus ang aming maging kaligtasan.
Bilang mga kasapi ng Simbahan, nawa’y maisabuhay natin ang diwa ng krus at maging hangang magpakasakit para kay Kristo at sa Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng ating bayan nawa’y mahabag sa mga mahihirap at gawin ang mga nararapat upang puksain ang pang-aapi at pagsasamantalang nagaganap sa lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa, mga dukha, maysakit, may kapansanan, at mga bilanggo nawa’y hindi mawalan ng pag-asa, bagkus ay makaranas ng nagpapaginhawang pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-iisa sa buhay nawa’y makatagpo ng mga taong handang dumamay sa kanilang mga problema sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga minamahal na yumao, maging ang kanilang mga naunang pumanaw na mga mahal sa buhay nawa’y makaisa ng Diyos sa Langit, sa magpasawalang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, ang Pagpapakasakit at Pagkamatay ng iyong Anak ang nagbigay ng buhay sa mundo. Tulungan mo kaming alalahanin ang kahalagahan ng mga krus at paghihirap, hindi lamang sa mabibigat na pagsubok, kundi maging sa mga pagpapasyang ginagawa namin sa araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.