6,941 total views
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19
Salmo 4, 2. 4. 7. 9
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
1 Juan 2, 1-5a
Lucas 24, 35-48
Third Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Sinabi ni Pedro sa mga tao: “Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito.
“At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata. Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 4, 2. 4. 7. 9
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
o kaya: Aleluya!
Sagutin mo ako sa aking pagtawag,
Panginoong Diyos na aking kalasag;
Ikaw na humango sa dusa ko’t hirap,
ngayo’y pakinggan mo, sa aki’y mahabag.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
Dapat mapagkuro ninyo at malaman
na mahal ng Poon akong kanyang hirang,
dinirinig niya sa pananawagan.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,
higit na di hamak sa galak na angkin,
nilang may maraming imbak na pagkain
at iniingatang alak na inumin.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
Sa aking paghimlay, ako’y mapayapa,
pagkat ikaw, Poon, ang nangangalaga.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 2, 1-5a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya. `
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 24, 32
Aleluya! Aleluya!
Poong Hesus, aming hiling
Kasulata’y liwanagin
kami ngayo’y pag-alabin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Bilang tagasunod ni Kristo, tinatawag tayong magpatotoo sa katunayang tayo’y iniligtas ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Dahil sa maraming kakulangan at kahinaan natin sa tungkuling ito, humiling tayo bilang bayan sa kanya at ihatid ang ating mga dagdag pang ka- hilingan:
Panginoon, dinggin mo kami!
Nawa’y ang buong Simbahan, sa pamamatnubay ng kanyang mga pinuno, ay hindi manghinawa sa pagpapahayag ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Manalangin tayo!
Nawa’y ang mga nagdurusa ay makatagpo sa muling pagkabuhay ni Kristo ng tiyak na bukal ng kasiyahan at pag-asa. Manalangin tayo!
Nawa’y ang mga nag-aalinlangan sa muling pagkabuhay ni Kristo ay matulungang manalig ng mabuting pamumuhay ng lahat ng sumasampalataya. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng naging biktima ng mga kalamidad at karahasan ng tao ay makalasap ng tunay na pagtulong ng lahat ng nananalig sa muling pagkabuhay ni Kristo. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat tayong nagkakatipon dito upang ipagdiwang ang muling pagkabuhay ng ating Panginoon ay makalasap ng kapangyarihan at bunga nito sa ating pang-araw-araw na gawain. Manalangin tayo!
Upang ang karangalan at at kahalagahan ng mga kababaihan ay kilalanin at pahalagahan sa lahat ng bahagi ng mundo at upang mawakasan ang lahat ng uri ng diskriminasyon at pagtatangi sa daigdig. Manalangin tayo!
Hesus, tulungan mo kaming paglabanan ang nakamamatay na bisa ng aming pagkamakasalanan at maging tanda ng iyong muling pagkabuhay sa lahat naming mga kapatid. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!