3,557 total views
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 65, 1. 6-7
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Roma 11, 13-15. 29-32
Mateo 15, 21-28
Twentieth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin,
ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 13-15. 29-32
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pagkakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay buhay sa patay.
Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Tuwina tayong hinahamong magpakita ng pag-ibig ng Diyos sa lahat. Sa pagtatampok natin sa ganitong pag-ibig na panlahat bilang inspirasyon ng ating panalangin, dumulog tayo sa Ama nating lahat:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahan, ang pamilya ng Diyos sa lupa: Nawa pahalagahan niya ang lahat ng kultura at maging bukas siya sa pagtanggap ng kanilang tulong sa ikadadalisay at ikasusulong nila sa dakilang kaalaman sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, mga obispo natin, at mga pinuno ng lahat ng relihiyong Kristiyano: Nawa maging masunurin sila sa Espiritu Santong namamatnubay sa lahat tungo sa ibayong pagkakaisa ng pananalig at pagkilos. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pinunong pampamahalaan at lahat ng nanunungkulan: Nawa magpakatapat sila sa kanilang sinumpaang paglilingkod sa lahat ng mamamayan nang walang itinatangi. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pamayanan sa parokya at ating mga pamilya: Nawa pahalagahan natin ang pakikipag-unawaan sa ating kapwa at pagsikapan nating makatulong sa mga nangangailangan, gaya ng halimbawa ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Nawa ang dakilang awa ng Panginoon para sa atin ang magtulak sa ating kaawaan ang ating kapwa sa lahat ng oras. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, bigyan Mo kami ng mga pusong mapagmahal na tulad ng sa Iyo, upang matanggap at mahalin namin ang bawat isa bilang kapatid, sa kabila ng ano mang pagkakaiba nila sa amin. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.
Amen!