8,470 total views
Kapistahan ng Banal na Mag-anak Hesus, Maria at Jose (B)
Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Colosas 3, 12-21
Lucas 2, 22-40
o kaya Lucas 2, 22. 39-40
Feast of the Holy Family of Jesus, Mary and Joseph (White)
UNANG PAGBASA
Sirac 3, 3-7. 14-17a
Pagbasa mula sa aklat ni Sirac
Ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
at iniutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
at ang nagpaparangal sa kanyang ina’y parang nag-iimpok ng kayamanan.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
at ang panalangin niya’y agad diringgin ng Panginoon.
Ang nagpaparangal sa kanyang ama at nagdudulot ng kaaliwan sa kanyang ina,
ay tumatalima sa Panginoon;
pahahabain ng Diyos ang kanyang buhay.
Anak, kalingain mo ang iyong ama pag siya’y matanda na,
at huwag mo s’yang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo s’yang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
Ang paglingap mo sa iyong ama ay di makakalimutan ng Panginoon,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Colosas 3, 12-21
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid:
Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.
Magpaumanhin kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmamalupitan.
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Colosas 3, 15a. 16a
Aleluya! Aleluya!
Kapayapaan ni Kristo
at Salita n’yang totoo
nawa’y manahan sa inyo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nasaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 2, 22. 39-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa Kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Taglay ang pananalig sa Panginoong humirang sa atin na maging kabahagi ng Kristiyanong mag-anak at ng Simbahan, manalangin tayo para sa lahat ng mga mag-anak sa daigdig.
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa malaking mag-anak ng Simbahan at ng sangkatauhan: Nawa’y ang lahat ng kanilang mga kasapi’y magtamasa ng ka- linga nina Hesus, Maria, at Jose. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga Pilipinong mag-anak: Nawa’y manatili silang nagkakaisa at nagkakasundo nang dahil sa kanilang pananampalatayang Kristiyano at sa tulong ng buong pamayanan. Manalangin tayo!
Para sa mga mag-anak na walang tahanan: Nawa’y pahalagahan ng kanilang mga kamag-anak ang pananampalataya, pagkakaisa, at katapatan sa relihiyon sa kabila ng mga kahirapan sa buhay. Manalangin tayo!
Para sa mga mag-anak na bagu-bago pa lamang nabubuo ngayon: Nawa’y makatagpo sila ng inspirasyon sa Banal na Mag-anak ng Nasaret. Manalangin tayo!
Para sa ating mag-anak: Nawa’y maghari ang kapayapaan ni Kristo sa bawat isa sa atin, maging mapagpatawad at manatiling magkakabuklod sa di-makasariling pagmamahal. Manalangin tayo!
Para sa mga may malubha at permanenteng kapansanan: maging sentro nawa sila ng atensyon at kalinga ng lipunan, at maitatag nawa ang mga institusyong naka- laan sa kanilang kapakanan.
Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, pagpalain Mo ang lahat ng mag-anak sa buong daigdig. Paglapitin Mo sila sa isa’t isa at papanatilihin sa Iyong kapayapaan at pagmamahal, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!
Kapistahan ng Banal na Mag-anak Hesus, Maria at Jose (B)
Mga Pagpipiliang Pagbasa
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3
Salmo 104, 1b-2. 3-4. 5-6. 8-9
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19
Lucas 2, 22-40
o kaya Lucas 2, 22. 39-40
Feast of the Holy Family of Jesus, Mary and Joseph (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Narinig niyang sinabi sa kanya ng Panginoon:
“Abram, h’wag kang matatakot ni mangangamba man,
kalasag mo ako, kita’y iingatan
at ikaw ay aking gagantimpalaan.”
Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoon, ano pong gantimpala ang ibibigay mo sa akin? Wala naman akong anak! Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya isa kong alipin ang magmamana ng aking ari-arian.”
Sinabi ng Panginoon, “Hindi alipin ang magmamana ng iyong ari-arian; anak mo ang magmamana.” At inilabas siya nito at sinabi sa kanya: “Masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging anak mo at apo.” Nanalig si Abram, at dahil dito’y kinalugdan siya ng Panginoon.
Nilingap ng Panginoon si Sara at tinupad ang kanyang pangako. Ayon sa sinabi ng Diyos, si Sara ay nagdalantao, at nganganak ng lalaki, bagamat matanda na noon si Abraham. Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1b-2. 3-4. 5-6. 8-9
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
Ang D’yos nati’y Panginoon
tipan n’ya’y habang panahon.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid:
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac. At sa patalinghagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Hebreo 1, 1-2
Aleluya! Aleluya!
N’ong dati’y mga propeta
ngayon nama’y Anak niya
ang sugo ng D’yos na Ama.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,