8,204 total views
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 18, 15-20
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
1 Corinto 7, 32-35
Marcos 1, 21-28
Fourth Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday of the Word of God
National Bible Sunday
Pro-Life Sunday
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 18, 15-20
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao:
“Mula sa inyo, pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito’y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo’y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakilakilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.’ Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 7, 32-35
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayun din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 16
Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad at nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Bawat Kristiyano ay kabahagi sa mapagpalayang misyon ni Hesus. Ngunit araw-araw tayong nakararanas ng hirap na lubusang tumulad kay Kristo. Halina’t magsumamo tayo para sa buong bayan ng Diyos:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Nawa’y ang buong Simbahan ay manatiling bukas sa mensahe ng mga propeta bilang pagpapakita ng kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!
Nawa’y maging tapat ang mga propeta ngayon sa kanilang misyon at kailanma’y huwag silang manamlay dahil sa di pagkakaunawaan at kakulangan ng kagyat na pagtugon. Manalangin tayo!
Nawa’y ang mga inaalipin ng demonyo sa buhay ng pagkakasala at katiwalian ay makatagpo sa pamayanang Katoliko ng tulong para sa kaligtasan. Manalangin tayo!
Nawa’y walang pag-aatubiling tanggihan ng kabataan ngayon ang mga saloobin at pamumuhay na salungat sa turo ng Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Nawa’y ang pag-ibig para sa Bibliya ng iba’t ibang Kristiyanong mananampalataya ay makatulong upang malampasan nila ang lahat ng pagkakahati-hati at maibalik ang pagkakaisang idinadalangin ni Hesus. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng pamilyang Kristiyano, higit sa lahat ang sariling atin, ay magbasa ng Bibliya araw-araw at mamuhay ayon sa Salita ng Diyos. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat tayo’y makaiwas sa panlilinlang ng demonyo at maging kasangkapan tayo ng kaligtasan para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Manalangin tayo!
Tulungan nawa tayo ng Panginoon upang mapahalagahan natin ang iba-ibang mga kaloob na karisma ng Espiritu Santo, upang matuklasan natin ang iba-ibang trandisyon at ritwal sa Simbahang Katolika, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, habang dinaranas namin ang hirap ng pagiging mga propeta sa salita at sa gawa, pakumbaba naming hinihiling ang tulong ng Iyong biyaya. Nawa kami’y maging mga tapat na sugo ng Ebanghelyo at matatapang na saksi sa mga katotohanang ipinahahayag namin. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!