8,435 total views
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A)
Ezekiel 34, 11-12. 15-17
Salmo 22, 1-2a. 2b-3. 5-6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
1 Corinto 15, 20-26. 28
Mateo 25, 31-46
The Solemnity of Our Lord Jesus Christ, King of the Universe (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 34, 11-12. 15-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang ipinasasabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.
“Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ko na inyong Diyos na Panginoon: Ako ang magiging hukom ninyo. Pagbubukurin ko ang mabubuti’t masasama, ang mga tupa at ang mga kambing.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-2a. 2b-3. 5-6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 20-26. 28
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayon din naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayon din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon: si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Kristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Marcos 11, 9. 10
Aleluya! Aleluya!
Pagpalain dumarating
sa ngalan ng Poon natin,
paghahari’y kanyang angkin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 31-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’
“At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Lagi tayong nanganganib na magkulang sa paglilingkod sa Panginoon sa ating mga kapatid. Sapagkat pananagutan natin kay Kristo ang ating pakikitungo sa ating kapwa, manalangin tayo:
Kristong aming Hari, dinggin ang panalangin namin!
Para sa lahat ng mananampalataya: Nawa paghandaan nilang mabuti ang Huling Paghuhukom at ang mga implikasyon ng Pag- kakatawang-tao ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng iba pang pinunong espiritwal: Nawa ang kanilang halimbawa ng pakumbabang paglilingkod sa mga nangangailangan ay tularan ng lahat ng may mabuting kalooban. Manalangin tayo!
Para sa mga guro, doktor, nars, at mga social worker: Nawa ang kanilang paglilingkod sa mga estudyante, maysakit, at mga dukha ay umalinsunod sa diwa ng pananampalataya. Manalangin tayo!
Para sa mga dukha, api, at naghihirap: Nawa makalasap sila ng kalinga ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakawang- gawa ng kanilang mga kapatid. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Sa Huling Paghuhukom, nawa marinig natin ang paanyaya ni Hesus na nagpapatuloy sa atin sa Kaharian ng Ama. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, malimit kaming magkulang magmahal at maglingkod sa iyo sa aming kapwa. Patawarin at pagpalain mo nawa kaming maging mga tanda at kasangkapan ng iyong pag-ibig para sa lahat. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!