9,432 total views
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Job 7, 1-4. 6-7
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Panginoon ay purihin;
siya ay nagpapagaling.
1 Corinto 9, 16-19. 22-23
Marcos 1, 29-39
Fifth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Job 7, 1-4. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Nagsalita si Job at sinabi niya:
“Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap,
batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas.
Siya’y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad,
para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad.
Maraming buwan na ang lumipas, walang layon ang buhay ko,
at tuwing sasapit ang gabi ay namimighati ako.
Ang gabi ay matagal, wari’y wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan at palaging balisa.
Mga araw ng buhay ko’y mabilis na nalalagas,
pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas.
“O Diyos, iyong alalahaning ang buhay ko’y parang hangin,
ang ligaya ng buhay ko’y napalitan na ng lagim.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Panginoon ay purihin;
siya ay nagpapagaling.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Panginoon ay purihin;
siya ay nagpapagaling.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Panginoon ay purihin;
siya ay nagpapagaling.
Panginoong ating Diyos ay dakila at malakas,
ang taglay n’yang karunugan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagkumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Panginoon ay purihin;
siya ay nagpapagaling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 9, 16-19. 22-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko na walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako’y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan.
Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya’y matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Buong pananalig tayong dumulog sa trono ng Banal na Awa at ilahad ang ating mga kahilingan sa Panginoon sa matibay na pag-asang diringgin niya tayo:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa Inang Simbahang na patuloy na nagsasagawa ng mapagpagaling na misyon ni Kristo: Nawa’y tupdin niya ito nang may buong katapatan at kabukasang-palad. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng katulong sa pangangaral ng Mabuting Balita: Nawa’y matamo nila ang bunga ng kanilang paglilingkod sa buhay ng kanilang kawan. Manalangin tayo!
Para sa mga doktor, nars, at lahat ng nagtataguyod sa kalusugan: Nawa’y makita nila si Hesus sa kanilang mga pasyente at gamutin nila ang mga ito nang buong ingat. Manalangin tayo!
Para sa mga maysakit at matatanda: Nawa’y matagpuan nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kasama sa pamayanan ang pagkalinga upang mapasan nila ang kani-kanilang krus nang ma- rangal at may pag-asa. Manalangin tayo!
Para sa mga kasapi sa ating pamayanan: Nawa’y matuto tayo kay Hesus kung paanong maging mahinahon sa lahat at puno ng sigla para sa pangangaral ng Mabuting Balita. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Nawa’y puspusin tayo ng Espiritu Santo ng paggalang sa kabanalan ng buhay ng tao, upang makatulong tayo sa lahat ng nagsisikap na ipagtaguyod ang kahalagahan nito. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, tulungan Mo kaming tumulad kay Hesus, ang “Tao para sa Iba” na buong habag na nakikitungo sa mga nagtitiis ng ano mang pagdurusa. Matuto nawa kami sa kanyang maging malapit sa mga sawimpalad at para sa kanila’y maging mga kasangkapan ng Iyong mapagpagaling na pagmamahal. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman!
Amen!