4,207 total views
Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir
Deuteronomio 10, 12-22
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Mateo 17, 22-27
Memorial of Saint Maximilian Mary Kolbe, priest and martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 10, 12-22
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Bayang Israel, ito ang nais sa inyo ng Panginoon: Magkaroon kayo ng takot sa kanya, lumakad sa kanyang mga daan, ibigin siya, paglingkuran nang buong puso’t kaluluwa, at sundin ang kanyang Kautusan at mga tuntunin. Ito naman ay sa ikabubuti rin ninyo. Isipin na lang ninyo na ang langit, ang daigdig at lahat ng narito ay sa Panginoon. Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. Kaya nga, buksan ninyo ang inyong mga puso at alisin ninyo ang katigasan ng inyong mga ulo. Pagkat ang Panginoon ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot. Pantay-pantay ang tingin niya sa mga tao at hindi napasusuhol. Iginagawad niya ang katarungan sa mga ulila at balo; nilulukuban niya ng pagmamahal ang mga taga-ibang bayan at binibigyan ng kanilang pangangailangan. Ibigin ninyo ang mga taga-ibang bayan pagkat kayo ma’y naging taga-ibang bayan sa Egipto. Magkaroon kayo ng takot sa Panginoon. Paglingkuran ninyo siya, huwag kayong hihiwalay sa kanya, at ipahayag ninyo ang kanyang pangalan. Siya lamang ang dapat ninyong pag-ukulan ng pagpupuri, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. Pitumpu lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo’y marami na kayo, sindami ng bituin sa langit.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 22-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nagkakatipon sa Galilea sina Hesus at ang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila’y lubhang nagdalamhati.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. Tinanong siya, “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong Guro?” “Opo,” sagot ni Pedro. At nang dumating siya sa bahay, tinanong na siya agad ni Hesus, “Ano ba ang palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad sa lisensya o buwis ang mga hari sa lupa? Sa mga mamamayan ba o sa mga dayuhan?” “Sa mga dayuhan po,” tugon niya. Sinabi ni Hesus, “Kung gayun, hindi pinagbabayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumaroon ka sa lawa at ihagis mo ang kawil. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Ibuka mo ang bibig nito at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo ito at ibayad sa buwis nating dalawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Sa ating kahinaan at pangangailangan, dumulog tayo sa Diyos na ating dapat sundin at paglingkuran sapagkat siya ang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan sa sandaigdigan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, mamuhay nawa kami sa espiritu ng iyong Anak.
Ang Simbahan saanmang dako ng daigdig nawa’y walang takot na magpahayag ng pinahahalagahang katarungan at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y makabahagi nang tama sa mga materyal at espiritwal na bagay ng daigdig at ang mga organisasyong sibiko at estado nawa’y makatulong sa pagtatanggol sa mga mahihina at mga mahihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mamamayan nawa’y magkaroon ng malakas na kamulatan sa sibikong tungkulin at maging aktibo sila na makilahok tungo sa pangkalahatang kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging mga daan ng pag-ibig at kalinga ni Kristo para sa mga maysakit at mga nagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng kasiyahan sa kaharian ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng awa, dapat na gamitin ang lahat ng talento sa lupa, para sa pagsusulong ng paghahari ng iyong katarungan, kapayapaan, at pagkakapatiran ng iyong bayan. Sa pamamagitan ng aming bukas-loob na pagsuporta nawa’y maging instrumento kami ng pagtatatag ng iyong Kaharian dito sa lupa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pagmimisa sa Bisperas
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
1 Corinto 15, 54b-57
Lucas 11, 27-28
Vigil of the Assumption of the Blessed Virgin Mary (White)
UNANG PAGBASA
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Pagbasa mula sa Unang aklat ng mga Cronica
Noong mga araw na iyon, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga saserdote at ang mga Levita.
Pinasan ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga pingga, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Iniutos din David sa mga pinunong Levita na pumili ng mga kasamang marunong umawit at tumugtog ng kudyapi, alpa at pompiyang.
Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David. Naghandog sila ng mga haing susunugin, at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos ang paghahandog, binasbasan ni David ang mga tao sa ngalan ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Aming nabalita
na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar naming nasumpungan.
Ang aming sinabi,
“Ang templo ng Poon ay puntahan natin
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Ang mga saserdote
bayaang maghayag ng ‘yong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
Sa lingkod mong David,
may pangako ikaw, Panginoon namin,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
Pinili ng Poon,
na maging tahanan ang Lungsod ng Sion.
Ito ang wika niya:
“Doon ako titira panghabang-panahon,
ang paghahari ko’y magmumula roon.”
Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 54b-57
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan: ganap na ang tagumpay!”
“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan, at nagpasuso sa inyo! Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 15
Ang Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria
Iniakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian, nagniningning si Maria bilang isang dakilang tanda ng ating walang hanggang hinaharap bilang Simbahan. Bilang mga mananampalatayang patuloy pa ring naglalakbay patungo sa Kaharian ng Langit, ihatid nating kasama ni Maria ang ating mga panalangin sa Diyos na ating Ama.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Pagpalain mo kami sa aming paglalakbay sa buhay, O Panginoon.
Bilang isang Simbahan nawa’y asamin natin ang Muling Pagkabuhay na ipinangako ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa mundo nawa’y maging mga kasangkapan ng kapayapaan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyano nawa’y makatagpo ng pagkakaisa sa paglapit kay Maria, ang abang lingkod na itinaas sa kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makabanaag ng pag-asa sa kaluwalhatian ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga patay nawa’y muling mabuhay kasama ni Kristo at magdiwang na kasama ni Birheng Maria at ng mga santo, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng Langit at lupa, nakakarating sa iyo ang aming mga panalangin sa tulong ng aming niluwalhatiang Ina, ang unang mananampalatayang nakibahagi sa kaluwalhatian ng kanyang matagumpay na Anak na si Jesu-Kristo na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.