3,925 total views
Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan
1 Tesalonica 1, 1-5. 8b-10
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Mateo 23, 13-22
Memorial of Saint Augustine, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-21 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5. 8b-10
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo –
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumalaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
o kaya: Aleluya.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno.
“Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Mulat sa aming pagiging hindi karapat-dapat, itinataas namin ang aming isip at puso sa iyo, Diyos Ama, at dinadala rin namin sa iyong harapan ang aming mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama sa langit, ikaw ang lahat sa amin.
Ang Simbahan, lalo na ang kanyang mga pinuno, nawa’y isapuso ang gawaing pagpapanibago at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y magpakita ng tunay na malasakit sa katarungan, dangal, at pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga gumagawa sa media nawa’y akayin ang mga tao sa katotohanan at isulong ang kahalagahan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng pag-asa, kagalingan, lakas, at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y gantimpalaan ng Panginoon ng walang hanggang kaligayahan dahil sa kanilang dalisay na paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming magmahal at maglingkod sa katotohanan at sa Espiritu sa pamamagitan ni Jesus na aming Daan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.