7,491 total views
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B)
Isaias 55, 1-11
o kaya 1 Juan 5, 1-9
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.
Marcos 1, 7-11
Feast of the Baptism of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon, “Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain.
Halikayo at bumili ng alak at gatas,
bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.
Ginawa ko siyang hari
at puno ng mga bansa
at sa pamamagitan niya’y ipinamalas ang aking kapangyarihan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
mga bansang di ka kilala’y sa iyo pupunta,
dahilan sa Panginoon,
Banal ng Israel,
ang Diyos na nagpala’t sa iyo’y dumakila.”
Hanapin ang Panginoon
samantalang siya’y iyong makikita,
Siya ay tawagin habang malapit pa.
Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y
dapat magbago na ng maling isipan;
sila’y manumbalik,
lumapit sa Panginoon upang kahabagan,
at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran,
Ang wika ng Panginoon:
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan,
at magkaiba ang ating daan.
Kung paanong ang langit
higit na mataas, mataas sa lupa,
ang daa’t isip ko’y
hindi maaabot ng inyong akala.
Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
1 Juan 5, 1-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid:
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas; at sinumang umiibig sa Ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Tatlo ang nagpapatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at nagkakaisa ang tatlong ito. Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig at batis ng kaligtasan.
May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.
Magpasalamat kayo sa Poon
Siya ang inyong tawagan;
Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.
May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.
ALELUYA
Juan 1, 29
Aleluya! Aleluya!
Ito ang Kordero ng D’yos,
ang sala ng sansinukob
pinapawi niyang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 7-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Hindi nagluwat, dumating si Hesus mula sa Nazaret, Galilea, at siya’y bininyagan ni Juan sa Ilog-Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Hesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at bumababa sa kanya ang Espiritu na gaya ng isang kalapati. At isang tinig ang nagmula sa langit: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Sa Binyag ni Jesus sa ilog ng Jordan, ipinaaalaala sa atin ang ating sariling Binyag kung saan ginawa tayong mga anak ng Diyos kaya’t natatawag nating Ama ang Diyos. Lumalapit tayo ngayon sa kanya habang sinasabi natin:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na aming Ama, malugod ka nawa sa amin.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging malinis sa Binyag upang magtamasa ng kalayaan at dignidad bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kalayaan at karangalan ng bawat mamamayan nawa’y pangalagaan at igalang ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programang mag-aangat sa kalidad ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya at mga pamayanan nawa’y tunay na maranasan ang kanilang pagiging iisa sa pamamagitan ng kanilang buhay at pagpapahayag ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may karamdaman at mga nagdurusa nawa’y makalaya sa panghihina ng kanilang katawan at pag-iisip, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalatayang namayapa na ay makabahagi nawa sa kaligayahan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, ginawa kaming mga tagapagmana ng iyong Kaharian sa pamamagitan ni Jesus na iyong Anak. Loobin mo na sa pananalangin namin para sa isa’t isa ay manahin namin ang Kahariang iyon kung saan ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.