3,521 total views
Lunes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, pari
Exodo 14, 5-18
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Mateo 12, 38-42
Monday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of st. Sharbel Makhluf, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 14, 5-18
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Di wala nang maglilingkod sa atin!” Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at kanyang mga kawal. Ang dala niya’y animnaraang piling karwaheng pandigma, kasama ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa’y may sakay na punong kawal. Ang Faraon ay pinagmatigas ng Panginoon at hinabol niya ang mga Israelita na noo’y naglalakbay na sa pamamatnubay niya. Hinabol nga ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi-hahirot sa tapat ng Baal-zefon.
Pinagharian ng matinding takot ang mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila sa Panginoon. Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inialis mo kami sa Egipto, tingnan mo ang nangyari! Hindi ba’t bago tayo umalis ay sinabi na namin sa iyo na ganito ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag kaming pakialaman, at pabayaan na kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat ibig pa namin ang manatiling alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”
Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ng Panginoon. Hindi na ninyo makikita uli ang mga Egipciong iyan. Ipagtatanggol kayo ng Panginoon, wala kayong gagawing anuman.”
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Ako’y pinalakas niya’t pinatatag,
siya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat,
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Siya’y mandirigma na walang kapantay,
Panginoo’y kanyang pangalan.
Nang ang mga kawal ng Faraon
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong,
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod
pati na sasakya’y kanyang pinalubog.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Sila’y natabunan ng alon sa dagat,
tulad nila’y batong lumubog kaagad.
Ang mga bisig mo ay walang katulad,
wala ngang katulad, walang kasinlakas,
sa isang hampas mo, kaaway nangalat,
nangadurog mandin sa ‘yong mga palad.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ng ilang eskriba at Pariseo kay Hesus, “Guro, maaari po bang pagpakitaan ninyo kami ng tanda mula sa langit?” Sumagot si Hesus, “Lahing masama at di-tapat sa Diyos! Naghahanap kayo ng tanda ngunit walang ipakikita sa inyo maliban sa palatandaaang inilalarawan ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, gayun din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasailalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto! Sa araw na yaon, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay solomon ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Natuklasan ni Jonas na walang makatatakas sa Panginoon. Idalangin natin sa Diyos Ama na bigyan tayo ng biyayang makapagbagumbuhay at matatag na manalig kay Kristo na tumatawag sa atin sa pagbabalik-loob.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga propeta, bigyan Mo kami ng kapangyarihan.
Ang Simbahan nawa’y ipahayag nang walang kapaguran ang mensahe ng Diyos ng pagbabalik-loob sa mga naghahanap sa Panginoon nang may malinis na puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ng mga mamamayan ng Nineve, nawa’y ating itakwil ang masamang pag-uugali at humarap tayo sa Diyos nang may mababang kalooban at nagsisising espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya at mga komunidad nawa’y maghangad ng kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiguruhan at pag-ibig mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng lahat, ibinigay mo sa amin ang tanda ni Jonas upang masalamin ang pagdating ng iyong Anak. Pinakaaasam mo mula pa noong una ang kanyang Muling Pagkabuhay. Isama mo kami sa kanya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.