3,542 total views
Paggunita kay San Ignacio ng Loyola
Exodo 32, 15-24. 30-34
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Pasalamat tayo sa D’yos,
kabutihan niya’y lubos.
Mateo 13, 31-25
Memorial of St. Ignatius of Loyola (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Exodo 32, 15-24. 30-34
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, si Moises ay bumaba na ng bundok. Dala niya ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos na ang Diyos mismo ang sumulat.
Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “Parang may digmaan sa kampo.”
“Ang naririnig ko’y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.
Nang sila’y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng budok ang mga tapyas na bato at ito’y nadurog. Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. Hinarap niya si Aaron, “Ano ba ang nangyari sa iyo at pumayag kang gawin ang kasamaang ito?”
Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Hindi ko sila mapigil sa paggawa ng kasamaang ito. Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. Kaya’t tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”
Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aahon ako ngayon sa bundok at makikipagkita sa Panginoon, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” Umahon nga sa bundok si Moises at dumaing sa Panginoon. Sinabi niya, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyos-diyosang ginto. Ipinakikiusap ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapatatawad, burahin na ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”
Sumagot ang Panginoon, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na parurusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Pasalamat tayo sa D’yos,
kabutihan niya’y lubos.
o kaya: Aleluya.
Sa may Bundok ng Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,
matapos mahugis ang ginawa nila’y kanilang sinamba.
Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
Pasalamat tayo sa D’yos,
kabutihan niya’y lubos.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Pasalamat tayo sa D’yos,
kabutihan niya’y lubos.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Pasalamat tayo sa D’yos,
kabutihan niya’y lubos.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y D’yos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 31-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isa na namang talinghaga ang inilahad ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa lahat ng binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay. Ito’y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.”
Sinabi ni Hesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalihim mula nang likhain ang sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Tayo ay mga anak ng Diyos, subalit sa mapagpakumbabang-loob na panalangin, lumalapit tayo sa kanya bilang mga lingkod ng Kaharian na naglalayon lamang na gawin ang ating tungkulin. Hilingin natin sa kanya na palalimin pa ang ating pananampalataya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoong Diyos, umunlad nawa kami sa iyong biyaya.
Ang mga Kristiyano at lahat ng nagpapahayag ng pananalig kay Kristo nawa’y umunlad sa pananampalataya at pag-ibig sa isa’t isa bilang tanda ng paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating personal na pananampalataya nawa’y umunlad at lubos nating kilalanin ang ating pagsandig sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nanlamig sa pananampalata at nawalan na ng pag-asa at puno ng pag-aagam nawa’y mabiyayaan ng bagong sigla upang panibaguhin ang kanilang pagtatalaga kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa nawa’y patuloy na manalig sa Diyos sa gitna ng hindi magandang kalusugan at karamdaman, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na naglingkod sa Panginoon sa kanyang Kaharian dito sa lupa nawa’y tanggapin sa buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, batid naming wala kaming magagawa kung aasa lamang kami sa aming sarili. Tulungan mo nawa kaming matibay na kumapit sa iyo sa pananampalataya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong amingg Panginoon. Amen.