12,947 total views
Lunes sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
2 Hari 5, 1-15a
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Lucas 4, 24-30
Monday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
2 Hari 5, 1-15a
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na labis na kinalulugdan ng hari pagkat matapang siya, makapangyarihan at pinapatnubayan ng Panginoon kaya laging matagumpay ang Siria. Ngunit siya’y ketongin. Siya ay si Naaman. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang babaing Israelita. Ginawa nila itong katulong ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta sa Samaria, tiyak na gagaling siya.” Ang sinabi ng Israelita ay sinabi ng babae kay Naaman. Nagpunta naman ito sa hari at ibinalita ang sinabi ng utusan ng kanyang asawa.
Sinabi naman ng hari, “Pumunta ka at pagdadalhin kita ng sulat sa hari ng Israel.”
At lumakad nga si Naaman. May dala siyang tatlumpunlibong putol na pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuutan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Anang sulat: “Mahal na Haring Joram, ang may dala nito’y si Naaman na aking lingkod. Ipinakikiusap kong pagalingin mo ang kanyang ketong.”
Nang mabasa ito ng hari ng Israel, ginahak niya ang kanyang kasuutan at sinabi, “Ako ba’y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”
Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit ninyo gagahakin ang inyong kasuutan? Sa akin ninyo siya papuntahin para malaman nilang may isang propeta rito sa Israel.”
Ipinasabi nga ni Haring Joram kay Naaman na ang hanapin nito’y si Eliseo. Kaya, sumakay ito sa kanyang karwahe, at nagpunta kay Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na kabayuhan. Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at mananauli sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”
Nang marinig ang sinabi ni Eliseo, nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, “Akala ko pa nama’y sasalubungin niya ako, tatayo siya nang tuwid, tatawagan ang Diyos niyang Panginoon sa Ilog Jordan, at itatapat sa akin ang kanyang mga kamay upang ako’y gumaling. Bakit doon pa niya ako pasisisirin? Bakit hindi sa alinman sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar. Hindi ba’t mas malinis iyon kaysa alinmang tubig sa Israel? Siguro nama’y mas madali akong gagaling kung doon ako maliligo.” At galit na galit siyang umalis.
Lumapit sa kanya ang kanyang mga katulong at sinabi, “Panginoon, hindi ba’t gagawin ninyo kahit mahirap pa riyan ang ipagawa sa inyo ng propeta? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” Kaya, nang mapag-isip-isip ito ni Naaman, lumusong siya ng Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.
Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 129, 5 at 7
Umaasa ako sa D’yos,
nagtitiwala nang lubos
sa salitang nagdudulot
ng pag-ibig na mataos
upang kamtin ang pagtubos.
MABUTING BALITA
Lucas 4, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating si Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa mga nasa sinagoga: “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Lunes
Si Jesus ay hindi tinanggap sa kanyang sariling bayan. May pananampalatayang tinatanggap natin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas at nananalangin tayo sa ngalan niya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kaming magmahal nang tulad ni Jesus.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpahayag ng Salita ng Diyos nang may tapang at isabuhay ito nang may paninindigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang na Kristiyano nawa’y maging malakas upang makasunod kay Kristo, na siyang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pagpapakasakit ngayong Kuwaresma nawa’y gawin nating higit na bukas sa mapanligtas na pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit na nahihirapan sa kanilang kalagayan nawa’y makita ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pangangalaga at malasakit ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na nasa piling ng Diyos nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming makapangyarihan, sapagkat wala sa aming lumalapit kay Jesus kung hindi mo kami akayin sa kanya, gawin mo kaming lahat na kaisa niya upang kami ay makasama mo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.