3,252 total views
Paggunita kay San Martin ng Tours, obispo
Tito 1, 1-9
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Lucas 17, 1-6
Memorial of St. Martin of Tours, Bishop (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Tito 1, 1-9
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Hesukristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos, palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makapaglalapit sa atin sa Diyos, at bigyan ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa lalangin ang sanlibutan, ang buhay na ito’y ipinangako na ng Diyos na hindi marunong magsinungaling. Ipinahayag naman ito sa takdang panahon at ipinagkatiwala sa akin upang ipangaral, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
Kay Tito, tunay kong anak sa pananampalatayang ipinagkaloob sa ating lahat:
Sumaiyo nawa ang pagkalinga at kapayapaan mula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Iniwan kita sa Creta upang ayusin ang mga bagay na wala pa sa ayos at pumili ng matatanda sa simbahan sa bawat bayan, ayon sa itinagubilin ko sa iyo. Ang pipiliin mo’y yaong walang maaaring ipintas, minsan lang nag-asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi magugulo o matitigas ang ulo. Kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng simbahan, sapagkat ang pamamahalaan niya’y mga gawaing ukol sa Diyos. Kailangang hindi siya palalo, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi mapusok o gahaman, bukas ang tahanan, maibigin sa kabutihan, may sariling bait, tapat makitungo sa kapwa, masunurin sa Diyos, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nanghahawak sa tunay na aral upang ito’y maituro sa iba at maipakilala ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo
ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a
Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat,
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi mawawala kahit kailan ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan nito! Mabuti pa sa kanya ang bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito. Kaya’t mag-ingat kayo!
“Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo, at kung siya’y magsisi, patawarin mo. Kung makapito siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at makapito ring lumapit sa iyo at magsabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo.”
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima ito sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Itinuturo ng ating Guro na ang kahulugan ng pagiging alagad ay ang radikal na pagtanggi sa kasamaan. Iniaalay natin ang ating mga panalangin ngayon nang may pagpapasyang magsakripisyo upang sundan ang Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumaamin nawa ang iyong kapangyarihan.
Ang Simbahan nawa’y magwagi sa kanyang pagpupunyaging labanan ang kasamaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Kristiyanong sumasampalataya nawa’y magkaroon ng tapang ng magsalita at kumilos laban sa kasamaang sumisira ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinaging manhid na ng kasalanan nawa’y hipuin ng Espiritu ng Panginoon upang magbalik-loob sila at magbago ng pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y palakasin sa kanilang dinaranas ng pagsubok at maialay nila ang kanilang paghihirap para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y akayin sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, bigyan mo kami ng matapang na pananampalataya upang maging malakas at matatag kami sa aming paglaban sa kasamaan ng mundong ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.