7,547 total views
Lunes ng Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Daniel 1, 1-6. 8-20
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Lucas 21, 1-4
Monday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Daniel 1, 1-6. 8-20
Ang simula ng aklat ni propeta Daniel
Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Joaquim sa Juda, ang Jerusalem ay nasakop ni Haring Nabucodonosor. Pinabayaan ng Panginoon na bihagin niya si Haring Joaquim at samsamin ang ilang kasangkapan sa templo ng Diyos. Lahat ng ito ay dinala ni Nabucodonosor sa templo ng kanyang diyus-diyusan sa Babilonia at inilagay sa silid na taguan ng kanyang kayaman.
Iniutos ng hari kay Aspenaz, pinuno ng kanyang mga tauhan, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. Ang pipiliin nila ay yaong kabataan, walang kapansanan, makisig, matalino, madaling turuan, may kaalaman sa lahat ng sangay ng karunungan upang maging karapat-dapat na lingkod sa palasyo. Ang mga ito ay tuturuan ng salitang Caldeo. Iniutos ng hari na sila’y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang tuturuan bago maglingkod sa hari. Kabilang sa mga ito sina Daniel, Ananias, Misael, at Azarias na pawang kabilang sa lipi ni Juda.
Ngunit ipinasiya ni Daniel na huwag tikman man lamang ang pagkain at alak na bigay ng hari upang hindi siya makakain ng mga bagay na marumi ayon sa Kautusan. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakanin niyon. Niloob naman ng Diyos na siya’y makalugdan at pagbigyan nito. Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa ibang kasinggulang ninyo. Tiyak na ako’y papupugutan niya pagkat siya mismo ang naglaan ng pagkain ninyo araw-araw.”
Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na nangangalaga sa kanila. Sinabi niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lamang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. Pagkatapos, pagparisin ninyo kami ng mga kasinggulang naming pinakakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at tingnan ninyo ang magiging resulta.”
At sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. Nang sila’y pagparisin pagkaraan ng sampung araw, nakitang mas maayos sila at malusog kaysa mga kasinggulang nilang pinakain ng pagkain ng hari. Kaya, gulay at tubig na lamang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inumin ng hari.
Niloob ng Diyos na silang apat ay matuto ng lahat ng uri ng kaalaman. Bukod dito, si Daniel ay binigyan pa ng kaalaman tungkol sa pangitain at panaginip. Pagkaraan ng tatlong taong itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nabucodonosor. Isa-isa silang kinausap ng hari, ngunit nakita niyang nakahihigit sina Daniel, Ananias, Misael at Azarias. Kaya, sila ang napili ng hari upang maglingkod sa palasyo. Sa lahat ng bagay na isangguni sa kanila, nakita ng hari na higit na di hamak ang kaalaman nila kaysa mga salamangkero at engkantador ng kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka na nakaluklok sa maringal mong trono.
Karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang tumingin si Hesus, nakita niya ang mayayamang naghuhulog ng kanilang kaloob sa lalagyan nito sa templo. Nakita rin niya ang isang dukhang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing. Ang wika ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat bahagi lang ng di na nila kailangan ang kanilang ipinagkaloob, ngunit ibinigay ng balong iyon na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Inihandog ng balo sa Templo ang lahat-lahat sa kanya. Pinapaging mapagkumbaba tayo ng kanyang pagiging mapagbigay. Maging mapagbigay tayo sa ating pananalangin para sa ating kapwa bilang pagtugon sa Diyos na nagbibigay sa atin ng biyayang walang humpay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagbigay na Diyos, basbasan Mo kami.
Bilang Simbahan, maging mapagbigay tayo nang sapat upang magbahagi tayo hindi lamang mula sa ating kasaganaan kundi mula rin sa ating kasalatan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lingkod bayan nawa’y maging malaya sa kasakiman at pagmamalabis sa kapangyarihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga balo, mga solong magulang, at mga ulila nawa’y umunlad sa kabanalan at mabasbasan ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maibahagi ang kanilang pagdurusa sa pagpapakasakit ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at mga kaibigan nawa’y tanggapin sa walang hanggang tahanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, buksan mo ang aming mga puso sa mga nakapaligid sa amin upang makilala namin ang iyong presensya sa aming mga kapwa at mga kaibigan at matuklasan namin ang kaligayahan ng pagbabahagi ng aming buhay sa kanila. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.