3,353 total views
Lunes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Eduvigis (Heidi), namanata sa Diyos
o kaya Paggunita kay Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga
Roma 1, 1-7
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Lucas 11, 29-32
Monday of the Twenty-eighth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Hedwig, Religious (White)
or Optional Memorial of St. Margaret Mary Alacoque, Virgin (White)
UNANG PAGBASA
Roma 1, 1-7
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
Ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Bumabaling tayo sa pananalangin sa Diyos Ama para sa biyaya ng pagbabagumbuhay at makatugon nang may katatagan sa panawagan ni Kristo sa pagbabalik-loob.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga simbolo at mga himala, basbasan mo kami.
Ang mga puso ng lahat ng lalaki at babae nawa’y mapanumbalik sa Panginoon na tumatawag sa daigdig sa pagsisisi, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tanggapin ang buong mensahe ng Ebanghelyo pati na ang mga salitang bumibigkas ng pagsubok at krus sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Katulad ng mga mamamayan ng Nineve, nawa’y itakwil natin ang mga masamang pamumuhay at bumaling tayo sa Diyos nang buong pagpapakumbaba at nagsisising espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at matatanda nawa’y makatagpo ng kasiguruhan at pagmamahal mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng lahat, ibinigay mo sa amin ang tanda ni Jonas upang pangunahang ipahayag ang pagdating ng iyong Anak. Mula sa walang hanggan, niloob mo ang kanyang Muling Pagkabuhay. Isama mo nawa kami sa kanya sa magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.