3,462 total views
Paggunita sa mga Banal na Anghel na Tagatanod
Zacarias 8, 1-8
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 ay 22-23
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
Mateo 18, 1-5. 10
Memorial of the Guardian Angels (White)
UNANG PAGBASA
Zacarias 8, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal at ang poot ko’y nag-aalab laban sa mga dumuhagi sa kanya. Babalik ako sa Jerusalem at maninirahan uli roon. Ito’y tatawaging Lungsod ng Katotohanan at ang bundok na itinalaga sa akin ay tatawaging Banal na Bundok. Hahaba ang buhay ng mga taga-Jerusalem. Marami na uling makikitang matatandang babae’t lalaking nakatungkod na naglalakad sa mga plasa at lansangan. Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. Aakalain ng mga natira sa Israel na mahirap itong mangyari. Sabihin mong sa akin ay walang hindi mangyayari. Ang mga anak ng aking bayan na natapon sa mga lupain sa silangan at kanluran ay ililigtas ko at muling ibabalik sa Jerusalem. Sila ay magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila. Ako at sila’y mananatiling tapat sa aming tipanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion,
ika’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin,
di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
Ito’y matititik upang matunghayan,
ng sunod na lahing di pa dumaratal;
ikaw nga, O Poon, ay papupurihan.
Mula sa itaas, luklukan mong banal,
ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan.
Iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
At ang mga anak ng ‘yong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan,
sa pag-iingat mo, sila ay tatagal.
Anupa’t ang iyong ngala’y mahahayag,
sa Sion, O Poon, ika’y ibabansag;
pag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lungsod upang magsisamba.
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa Ama upang maging karapat-dapat tayo na maging kanyang mga anak.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Walang hanggang Ama, nananalig kami sa iyo.
Ang Simbahan nawa’y maging tunay na instrumento ng pagpapalalim ng pananampalataya ng mga bata, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno nawa’y magpakita ng tunay na malasakit para sa kasiguruhan ng mas mabuting kinabukasan ng lahat ng bata. Maging ligtas nawa ang mga bata sa lahat ng uri ng pang-aabuso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y magturo sa kanilang mga anak ng tamang panuntunan na dapat pahalagahan at itaguyod ang kanilang edukasyon at pagsasanay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, tulad ng mga bata, nawa’y magkaroon ng pananalig sa Diyos Ama na nagmamalasakit sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maakay muli sa tahanan ng Diyos Ama sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama pakinggan mo ang panalangin ng iyong mga anak na nananalig sa iyo. Bigyan mo kami ng kaloobang tulad ng sa bata sapagkat para sa mga tulad nila ang iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.