8,905 total views
Paggunita kay Santa Agata
1 Hari 8, 1-7. 9. 13
Salmo 131, 6-7. 8-10
Poong Makapangyarihan,
kami’y iyong panahanan.
Marcos 6, 53-56
Memorial of St. Agatha, Virgin and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 8, 1-7. 9. 13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, ang matatanda ng Israel at ang mga puno ng mga angkan ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Sion, ang kuta ni David. Kaya nagpunta kay Solomon ang mga pinuno sa Israel noong kapistahan ng buwan ng Etanim, ikapitong buwan ng taon. Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga saserdote ang kaban ng Tipan. Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Tolda, at mga kagamitang naroroon. Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. Pagkatapos, ipinasok ng mga saserdote ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya’t nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Walang ibang laman ang Kaban kundi ang mga tablang bato na kinasusulatan ng Tipan ng Panginoon sa bayang Israel. Ang mga tablang bato ay inilagay roon ni Moises nang sila’y nasa Horeb, matapos silang ilabas sa lupain ng Egipto.
Pagkalabas ng mga saserdote, ang Templo’y napuno ng ulap; anupat hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo’y napuno ng kagila-gilalas na kaningningan ng Panginoon.
Kaya nga’t sinabi ni Solomon:
“O Panginoon, kayo ang naglagay ng araw sa langit
ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap.
Ipinagtayo ko kayo ng isang magarang Templo,
isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 6-7. 8-10
Poong Makapangyarihan,
kami’y iyong panahanan.
Aming nabalita
na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi,
“Ang templo ng Poon ay puntahan natin
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
Poong Makapangyarihan,
kami’y iyong panahanan.
Sa iyong tahanan,
Poon, pumasok ka kasama ng kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Ang mga saserdote
bayaang maghayag ng ‘yong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
Sa lingkod mong David,
may pangako ikaw, Panginoon namin,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
Poong Makapangyarihan,
kami’y iyong panahanan.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 53-56
Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay tumawid ng lawa, at pagdating sa Genesaret ay isinadsad nila ang bangka. Paglunsad nila, nakilala siya agad ng mga tao kaya’t nagmamadaling nilibot ng mga ito ang mga pook sa paligid; at ang mga maysakit, na nakaratay na sa higaan ay dinala nila kay Hesus, saanman nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya dumating, maging sa nayon, lungsod, o kabukiran, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit, at isinasamo sa kanya na pahipuin sila kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa Ama na nagnanais na gumaling ang lahat. Hindi niya itinataboy ang sinumang nangangailangang dumudulog sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, mahabag kayo sa lahat.
Bilang Simbahan nawa’y huwag nating isarado ang ating mga puso sa pangangailangan ng ating kapwa, bagkus ibahagi natin ang pag-ibig ng Diyos sa kaninuman, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y kumilos para sa katarungan at para sa dangal ng tao lalo na sa mga taong hindi binibigyang-pansin ng lipunan, kasama na ang mga mahihina at mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga komunidad nawa’y maging matulungin at maitaas ang bawat isa na mayroong pag-ibig at malasakit tulad ng ipinakita sa atin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit sa isip, katawan, at diwa nawa’y makatagpo ng ganap na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin at aming mga puso at gawin mo kaming laging handa upang tanggapin at mahalin ang nangangailangan naming mga kapatid sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.