5,161 total views
Lunes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Colosas 1, 24 – 2, 3
Salmo 61, 6-7. 9
Kaligtasa’t karangalan
ay buhat sa Diyos lamang.
Lucas 6, 6-11
Monday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Colosas 1, 24 – 2, 3
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, nagagalak ako sa aking pagbabata ngayon alang-alang sa inyo sapagkat sa pamamagitan nito’y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa simbahan na kanyang katawan. Ako’y naging lingkod nito nang hirangin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita. Hinirang niya ako upang lubusang ihayag sa inyo ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak. Inibig ng Diyos na ihayag sa lahat ng tao ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito. Ito ang hiwaga: sumainyo si Kristo at dahil dito’y nagkaroon kayo ng pag-asang makapiling ng Diyos doon sa kaluwalhatian. Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Kristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Kristo. Dahil dito, ako’y nagpupunyagi sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Kristo.
Ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang pagsisikap ko para sa inyo, gayun din sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang mukhaan. Ginagawa ko ito upang lumakas ang kanilang loob, at mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayun, magkakaroon sila ng ganap na pagkaunawang bunga ng tunay na pagkakilala kay Kristo na siyang hiwaga ng Diyos. Sa kanya natatago ang masaganang karunungan at kaalaman ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 61, 6-7. 9
Kaligtasa’t karangalan
ay buhat sa Diyos lamang.
Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa’y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Kaligtasa’t karangalan
ay buhat sa Diyos lamang.
Mga kababayan, sa lahat ng oras
magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo’y dinaranas;
siya ang kublihang sa ati’y lulunas.
Kaligtasa’t karangalan
ay buhat sa Diyos lamang.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 6-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, muling pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lakaki roong tuyot ang kanang kamay. Sa hangad ng mga eskriba at mga Pariseo na maparatangan si Hesus, nagbantay sila upang tingnan kung siya’y magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Subalit batid ni Hesus ang kanilang mga iniisip, kaya’t sinabi niya sa lalaking tuyot ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit naman ang lalaki at tumayo roon. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan ni Hesus ang nasa palibot niya at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga niya ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Nagngingitngit sa galit ang mga eskriba at ang mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Para sa ating mga Kristiyano, wala nang higit pang batas o utos kundi ang ipinag-uutos ng Ebanghelyo na mahalin ang Diyos at ang kapwa. Pahalagahan natin ang paniniwalang ito habang nananalangin tayo para sa pangangailangan ng bawat miyembro ng ating Simbahan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin mo kaming tagapagdulot ng buhay, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y palaging maging bago at dalisay sa pamamagitan ng mga salita ng Ebanghelyo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasa tungkulin sa gobyerno nawa’y magabayan ng karunungan kapag gumawa sila ng panukala at magpasya sa mga pinahahalagahang proyekto, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pagsamba nawa’y maging salamin ng ating katapatan at dedikasyon sa mapagpakumbabang paglilingkod natin sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit at sa pinanghihinaan ng loob nawa’y makapagdulot tayo ng pag-asa at kaginhawahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mamayapa sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, sinusuri mo ang aming mga puso at hindi lihim sa iyo ang pinakatago naming kaisipan. Liwanagan mo ang aming mga puso para sa higit na tunay na pagsamba at ang aming mga kamay para sa higit na bukas-loob na paglilingkod sa kapwa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.