7,316 total views
Martes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 23-27
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.
Juan 3, 7b-15
Tuesday of the Second Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-37
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Gayun ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Chipre, kaya’t Bernabe ang itinaguri sa kanya ng mga apostol, ibig sabihi’y “Matulungin.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k2. 5
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.
Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ikaw’y naroon na.
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.
Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.
ALELUYA
Juan 3, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Anak ng Tao’y dapat
na itampok at itaas
upang lahat ay maligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 7b-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, ‘Lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayun din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.” “Paano pong mangyayari ito?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Hesus, “Guro pa naman kayo sa Israel ay hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito? Tandaan ninyo: ang aming nalalaman ang sinasabi namin, at ang aming nasaksihan ang pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko tungkol sa mga bagay sa sanlibutang ito, paano ninyo paniniwalaan kung ang sabihin ko’y tungkol sa mga bagay sa langit? Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
“At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din namin kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Manalangin tayo sa Diyos Ama, na sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, ay muling nabuhay si Kristo at siya ring magbibigay ng buhay sa ating mga mortal na katawan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng langit at lupa, pagpalain Mo kami.
Ang mga ginawaran ng katungkulan nawa’y pukawin ng Espiritu sa pagtupad ng kanilang pamumuno ayon sa diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang patuloy na panibaguhin sa Espiritu ang ating mga sarili at lumago tungo sa kaganapan ng pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa lahat ng nakikiisa sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, nawa’y matulungan natin ang isa’t isa nang may pag-ibig na nagpapahayag sa Santatlo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maipagamot at mabigyan ng lunas sa pamamagitan ng kabutihang-loob ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y magdiwang sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, ibuhos mo ang iyong Espiritu sa aming mga puso upang baguhin ang aming buhay sa pamamagitan ng buhay na kaloob sa amin ng Muling Pagkabuhay ni Kristo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.