7,385 total views
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59
Salmo 30, 3kd-4. 6 at 8ab. 16bk at 17
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Mateo 10, 17-22
Feast of Saint Stephen, first martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinuspos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu.
Nang marinig ito ng mga bumubuo ng Sanedrin, sila’y nagngalit dahil sa matinding galit kay Esteban. Ngunit si Esteban na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingin sa langit at nakita ang maningning na liwanag sa paligid ng Diyos, at si Hesus na nasa kanyang kanan. “Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay silang dumaluhong sa kanya. Kinaladkad nila si Esteban hanggang sa labas ng lungsod upang batuhin. Hinubad ng mga saksi ang kanilang mga kasuotan at iniwan sa isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 3kd-4. 6 at 8ab. 16bk at 17
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Tanging kublihan ko, ako ay ingatan;
Tagapagtanggol ko’t aking kaligtasan.
Tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
ayon sa sabi mo, ako’y patnubayan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko,
Tagapagligtas kong tapat at totoo.
Magbubunyi ako, magsasayang tunay,
sa ‘yong pag-ibig na walang katapusan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig sa sinumang tao.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
ALELUYA
Salmo 117, 26a at 27a
Aleluya! Aleluya!
Sa Diyos nagliwanag tayo,
ang pinagpalang totoo
sa ngalan n’ya’y naparito.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 17-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at papapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
San Esteban
Sa gitna ng panahon ng pagsasaya dahil sa Pagsilang ng ating Tagapagligtas, ipinaaalala sa atin ng Simbahan ang krus na inilalarawan ng pag-aalay ni San Esteban ng kanyang sarili. Samahan natin siya sa ating pananalangin para sa ating kapwa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng buhay, dinggin mo kami.
Tulad ni San Esteban, nawa’y maihatid natin ang kagalakan ng Pagkakatawang-tao ng Diyos kahit sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig na nararanasan natin araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y makita ang pasasalamat sa pagsilang ni Jesus sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na itaguyod at igalang ang buhay at dangal ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ni San Esteban nawa’y pagkalooban tayo ng biyaya at lakas na maging matatag sa pananampalataya hanggang sa wakas, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang taglayin ang kagalakan at pagtitiwala sa gitna ng mga ligalig ng buhay na ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa pananampalataya, nawa’y tumanggap ng kanilang gantimpala sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng mga panalangin ni San Esteban, ipagkaloob mo nawa ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.