6,103 total views
Martes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 11, 1-10
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
Lucas 10, 21-24
Tuesday of the First Week of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 11, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyon, sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kanya ang Espiritu ng Poon,
Bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan,
ng karunungan at takot sa Panginoon.
Kagalakan niya ang tumalima sa Poon.
Hindi siya hahatol ayon sa nakikita
O batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog,
kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi maaamo ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng banal na bundok;
sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkakilala sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lungsod upang parangalan siya.
at magiging maningning ang kanyang luklukan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Turuan mo yaong, haring humatol ng katuwiran,
Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
Upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan;
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao’y siya’y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan
manatiling laging bantog na katulad nitong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumadalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat,
tulad niyang pinagpala.”
Mabubuhay s’yang marangal
at sasagana kailanman.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon ay darating,
bibigyan n’ya ng paningin
mga bulag na gagaling
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 21-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Martes
Inihahayag ng Ama ang mga hiwaga ng Kaharian sa mga maliliit. Manalangin tayo sa ating Diyos na nagpapahayag ng pag-ibig sa mga maliliit at mahihina. Ilapit natin nang may pagtitiwala sa mapagmahal na pagkalinga ng ating Ama sa Langit ang lahat ng ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, dinggin mo kami.
Ang mga naglilingkod sa Simbahan bilang mga obispo, pari, at laykong tagapaglingkod nawa’y magpahayag ng kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos lalo na sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y higit na pagtuuan ng pansin ang mga pangangailangan ng mga pinakaabang mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bata nawa’y makilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga pagtuturo at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang may maysakit nawa’y makatagpo ng ginhawa at kagalingan sa pag-aaruga at pag-aalala ng mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na ay makaranas nawa ng walang katapusang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak na pagiginhawahin kami kapag nahihirapan kami sa aming pasanin. Loobin mong lagi kaming makasunod sa kanyang pag-akbay at palakasin kami upang maging mga kasangkapan ng kanyang kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.