7,674 total views
Martes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 16, 1-13
Salmo 88, 20. 21-22. 27-28
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
Marcos 2, 23-28
Tuesday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 16, 1-13
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong ikalungkot nang labis ang pagkaalis ko kay Saul bilang hari. Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”
Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niyang nagpunta ako roon.”
Sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka sa akin. Anyayahan mo si Jesse at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”
Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ng Panginoon; nagpunta nga siya sa Betlehem. Siya’y sinalubong ng matatanda ng lunsod at nanginginig na tinanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”
“Oo,” sagot niya, “Naparito ako upang maghandog sa Panginoon. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito at inanyayahan sa paghahandog.
Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”
Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadad at pinaraan din sa harapan ni Samuel. Ngunit umiling si Samuel at sinabi, “Hindi rin siya ang hinirang ng Panginoon.” Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ng Panginoon. Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?”
“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse.
Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata.
At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon. Pagkatapos, si Samuel ay umuwi sa Rama.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 20. 21-22. 27-28
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
Ika’y nagsalita noon pa mang una
sa mga lingkod mo, at ipinakita
yaong pangitain, at ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila.
na aking pinili sa gitna ng madla.”
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!”
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 23-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Diyos Ama na tinawag tayong maging kanyang malalayang mga anak sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Kristo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng Araw ng Pangilin, basbasan Mo kami.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y ituring ang mga utos ng Diyos bilang pinto sa kalayaan mula sa pagkakasala at bilang paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga mambabatas nawa’y gumawa ng mga makataong batas na maglilingkod para sa ikabubuti ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang batas nawa’y huwag nating ilagay nang higit pa sa ating pagkatao bagkus unahin ang pagpapatupad ng dakilang utos na magmahalan tayo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nababahala sa kanilang karamdaman nawa’y makatagpo sila ng kaginhawahan at lakas sa mga taong nagmamahal at kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumao nawa’y tanggapin ang walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nawa’y maging paanyaya sa amin ang bawat batas mo upang mahalin at paglingkuran ang aming kapwa at upang sila ay unawain, igalang, gabayan at maging amin ring gabay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.