7,352 total views
Martes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 1, 9-20
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8abkd
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Marcos 1, 21b-28
Tuesday of the First Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 1, 9-20
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, matapos kumain sa Silo, malungkot na nagtindig si Ana at nanalangin sa Templo. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng Templo si Saserdoteng Eli. Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin sa Panginoon. Ganito ang kanyang panalangin: “Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung diringgin ninyo ang inyong abang alipin at inyong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, bagkus ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo habang siya ay nabubuhay; hindi ko ipapuputol ang kanyang buhok.”
Habang nananalangin si Ana, pinagmamasdan siya ni Eli. Kumikibot ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig, sapagkat siya’y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya’y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi, “Tama na ‘yan. Umuwi ka muna! Matulog ka para mawala ang pagkalasing mo!”
“Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ako po’y aping-api at idinudulog ko lamang sa Panginoon ang aking kalagayan. Huwag po ninyong ipalagay na napakababa ng pagkababae ng inyong alipin. Inihihinga ko po lamang ang aking damdamin.”
Dahil dito, sinabi ni Eli, “Magpatuloy kang mapayapa at nawa’y ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang iyong hinihingi.”
Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong magandang hangarin para sa akin.” Pagkasabi niyon, nagtindig siya at kumain; wala na ang bigat ng kanyang kalooban.
Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba sa Panginoon at umuwi sa Rama pagkatapos. Sinipingan ni Elcana si Ana at dininig ng Panginoon ang dalangin nito. Naglihi siya at dumating ang araw na siya’y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Siya’y kaloob sa akin ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8abkd
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Pinupuri ko kayo, Poon,
dahil sa kaloob ninyo sa akin.
Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway,
sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan,
at pinalakas ninyo ang mahihina.
Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Ang dating baog, nagsilang ng mga anak,
at ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Kayo, Poon, ay may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin.
Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay ninyo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa lungsod ng Capernaum sa Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita sa atin si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at mga himala ng pagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may matibay na paniniwala:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tunay na makapangyarihan, hipuin Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na ituro ang katotohanan ni Kristo at labanan ang mga kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno sa daigdig nawa’y isulong ang kabutihan sa kani-kanyang gobyerno at maging maalab sa pagbabaklas ng kasamaan sa lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hindi manghinawa sa ating buhay-pananalangin upang hindi manaig sa ating buhay ang masamang espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging malaya sa kanilang mga pisikal at espiritwal na paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y magtamasa ng maliwanag na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nagbubunyi kami sa yaman ng iyong pag-ibig sa amin. Pakatatagin mo ang iyong kapangyarihan sa amin at samahan mo kami sa landas ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.