27,685 total views
Martes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Ezekiel 47, 1-9. 12
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9
D’yos na makapangyariha’y
kapiling nating kanlungan.
Juan 5, 1-16
Tuesday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 47, 1-9. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Bumalik kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito’y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo’y paharap sa silangan. Ito’y nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng limandaang metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. Sumukat uli siya ng limandaang metro at nang lumusong kami sa tubig, ito’y hanggang baywang. Sumukat uli siya ng limandaang metro ngunit yaon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. Sinabi niya sa akin, “Tao, tandaan mo ang lugar na ito.”
Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. Nang ako’y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos na ito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9
D’yos na makapangyariha’y
kapiling nating kanlungan.
Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan;
di dapat matakot, mundo’y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok mabuwal.
D’yos na makapangyariha’y
kapiling nating kanlungan.
May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo’y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lungsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
D’yos na makapangyariha’y
kapiling nating kanlungan.
Nasa atin ang Diyos Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan.
Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika’y hahanga!
D’yos na makapangyariha’y
kapiling nating kanlungan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 50, 12a. 14a
D’yos ko, sa aki’y igawad
loobing tunay na tapat;
puso ko’y gawin mong wagas
nang manauli ang galak
bunga ng ‘yong pagliligtas.
MABUTING BALITA
Juan 5, 1-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang dumating ang pagdiriwang ng pista ng mga Judio, pumunta si Hesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa, ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Betesda. Natitipon dito ang maraming maysakit —— mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, sapagkat may panahong bumababa ang isang anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. Ang maunang lumusong pagkatapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling, anuman ang kanyang karamdaman. Doo’y may isang lalaking tatlumpu’t walong taon nang may sakit, at siya’y nakita ni Hesus. Alam nitong matagal nang may sakit ang lalaki. Tinanong siya ni Hesus, “Ibig mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag nakalawkaw na ang tubig; patungo pa lamang ako roon ay may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.” At pagdaka’y gumaling ang lalaki, dinala ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo’y Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.” Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling sa akin ang nagsabing dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” At siya’y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyo na dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Hesus sa karamihan ng tao.
Pagkatapos, nakita ni Hesus sa loob ng templo ang lalaki at sinabihan, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang magkakasala at baka may mangyari sa iyo na lalo pang masama.” Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Hesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Hesus ay sinimulang usigin ng mga Judio sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Martes
Habang higit nating nakikilala ang Diyos, lalo nating nauunawaan na lubos tayong umaasa sa kanya. Alam natin na marami tayong mga kahinaan at wala tayong magagawa kung hindi niya tayo tutulungan kaya’t manalangin tayo sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, tulungan Mo kami.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y lubos na mag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng pusong bukas sa pag-aalay ng sarili at lumago sa pagsunod kay Kristo na may pusong maamo at mapagkumbaba, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng tunay na diwa ng kababaang-loob sa ating pakikitungo sa mga dukha at mga api at makita natin ang presensya ni Kristo sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng pagmamahal at pagtataguyod sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nauna na sa atin sa paglisan sa buhay na ito nawa’y makaisa ng Diyos sa kanyang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, Ama ng mga dukha, bagamat batid namin ang aming mga kahinaan at pagmamalaki, dinggin mo ang mga kahilingan ng iyong bayang nangangailangan ng iyong tulong. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.