7,083 total views
Martes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Daniel 2, 31-45
Daniel 3, 57. 58. 59. 60. 61
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Lucas 21, 5-11
Tuesday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Daniel 2, 31-45
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Daniel kay Nabucodonosor, “Mahal na hari, ang napanaginip ninyo ay isang malaki at nakasisilaw na rebulto. Nakatayo ito sa harap ninyo at nakatatakot tingnan. Ang ulo nito ay dalisay na ginto, pilak ang dibdib at mga bisig, tanso ang tiyan at mga hita. Ang mga binti at ang mga paa ay bakal at luwad. Habang ito’y tinitingnan ninyo, may batong natipak sa bundok. Bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, luwad, tanso, pilak, at ginto; anupat naging parang ipa. Tinangay ito ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
“Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan. Kayo ay pinagkalooban ng Diyos ng kaharian, pinuspos ng kapangyarihan, kapamahalaan, at karangalan. Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang katumbas ng ulong ginto. Ang susunod sa inyo ay ikalawang kaharian ngunit mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na sinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang mga naunang kaharian. Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. Ang ibig namang sabihin ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at luwad ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal pagkat ito’y pinaghalong bakal at luwad. Ganito naman ang ibig sabihin ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at luwad: Magiging makapangyarihan ang kaharian ngunit madaling babagsak. Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay haluang pag-aasawa; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong di maaaring paghaluin ang bakal at putik. Sa panahon ng mga haring yaon, ang Diyos ay magtitindig ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian. Anupat hindi na makababangon ang mga iyon kahit kailan. Ang katulad nito’y yaong tipak ng batong dumurog sa rebultong yari sa bakal, luwad, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinaaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Iyan po ang inyong panaginip at ang kanyang kahulugan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 57. 58. 59. 60. 61
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilikha,
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga anghel ng Panginoon;
awitin siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga kalangitan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga tubig sa ibabaw ng langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na bumubuo ng kanyang hukbo;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
ALELUYA
Pahayag 2, 10k
Aleluya! Aleluya!
Manatili kang matapat
hanggang iyong kamatayan
pagkat buhay, aking bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 5-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilang tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”
Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?”
Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesias!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sama-samang natitipon bilang Bayan ng Diyos, may pananalig nating dalhin ang ating mga pangangailangan sa Ama, umaasang ipagkakaloob niya ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, umaasa kami sa Iyo.
Ang ating mga pastol nawa’y ganap na maiukol ang kanilang buhay sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsaksi nila dito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at mga guro nawa’y maging mga buhay na halimbawa ng pananampalataya sa mga taong nasa ilalim ng kanilang pagkalinga, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magsumikap na gawin kung ano ang tama at ang Salita ng Diyos ang maging buhay na pwersa na gumagabay sa ating pagkilos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magmalasakit sa mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapahingahan at bagong buhay sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, palalimin mo ang aming pananampalataya upang umunlad kami sa iyong pag-ibig at tuwinang maglingkod sa iyo nang may bukas-palad at tapat na puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.