1,087 total views
Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 2, 5-11
Salmo 21, 26b-27. 28-30a. 31-32
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Lucas 14, 15-24
Tuesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Filipos 2, 5-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, magpakababa kayo tulad ni Kristo-Hesus:
Na bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 26b-27. 28-30a. 31-32
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit ng pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.
Pupurihin kita,
Poon, ngayong kami’y natitipon.
Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Ang Diyos ay Panginoon, hari siya ng nilikha,
maghahari sa daigdig, sa lahat ng mga bansa.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang.
Pupurihin kita,
Poon, ngayong kami’y natitipon.
Maging lahing susunod pa ay sasamba’t maglilingkod,
ay mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa’y ganito ang ihahayag,
“sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas.”
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 15-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga kasalo niya sa hapag, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus, “May isang lalaking naghanda ng isang malaking piging, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng piging, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid, at kailangan kong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ At sinabi ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka, at kailangan kong isingkaw para masubok. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakadalo.’ Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ito at sinabi sa alipin, ‘Lumabas kang madali sa mga lansangan at makikipot na daan ng lungsod, at isama mo rito ang mga pulubi, mga pingkaw, mga bulag, at mga pilay.’ Pagbabalik ng alipin ay sinabi niya, ‘Panginoon, nagawa na po ang iniutos ninyo, ngunit maluwag pa.’ Kaya’t sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo: isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking handa!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
May pananampalataya nating itaas sa Ama ang ating mga kahilingan, siya na nagnanais na tanggapin nating lahat ang kanyang paanyaya sa Hapag ng buhay na walang hanggan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng lahat ng kabutihan, pakinggan Mo kami.
Ang Simbahan sa lupa nawa’y umunlad at mag-anyaya pa sa piging ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mayayaman gayundin ang mga dukha nawa’y huwag gumawa ng mga dahilan sa kanilang pag-iwas sa tawag ng paghahari ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y matagpuang karapat-dapat na makiisa sa Hapag ng Kordero ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng ating kabutihang-loob tayo nawa’y makapagbigay saya at pag-asa sa mga maysakit at may kapansanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y mabuhay sa tahanan ng Diyos at magbunyi sa Hapag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tinawag mo kami upang makiisa sa iyong kasaganahan. Maging bahagi nawa kami ng mga mabiyayang pagkakataon na dumaraan sa aming buhay at tumugon kami nang may bukas na puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.