3,970 total views
Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 12, 5-16a
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Lucas 14, 15-24
Tuesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 12, 5-16a
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, tayo’y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Kristo, at isa’t isa’y bahagi ng iba. Yamang mayroon tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung pagpapahayag ng kalooban ng Diyos ang ipinagkaloob sa atin, ipahayag natin ito ayon sa sukat ng ating pananampalataya; kung paglilingkod, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob na pagtuturo at mangaral ang may kaloob na pangangaral. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawanggawa, gawin ito nang buong galak.
Maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo – idalanging pagpalain at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng loobin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
O Panginoon ko, ang pagmamataas,
Tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
Iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 15-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga kasalo niya sa hapag, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus, “May isang lalaking naghanda ng isang malaking piging, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng piging, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid, at kailangan kong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ At sinabi ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka, at kailangan kong isingkaw para masubok. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakadalo.’ Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ito at sinabi sa alipin, ‘Lumabas kang madali sa mga lansangan at makikipot na daan ng lungsod, at isama mo rito ang mga pulubi, mga pingkaw, mga bulag, at mga pilay.’ Pagbabalik ng alipin ay sinabi niya, ‘Panginoon, nagawa na po ang iniutos ninyo, ngunit maluwag pa.’ Kaya’t sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo: isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking handa!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.