3,083 total views
Martes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Juan Pablo II, papa
Efeso 2, 12-22
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Lucas 12, 35-38
Tuesday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. John Paul II, Pope (White)
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 12-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, alalahanin ninyo na noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Kristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at di-saklaw ng mga tipang nasasalig sa mga pangako ng Diyos. Noo’y nabubuhay kayong walang pag-asa at walang Diyos. Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus, kayong dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Pinagkasundo niya tayo. Kaming mga Judio at kayong mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. Pinawalang bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at tuntunin upang pag-isahin sa kanya ang dalawang bayan at maghari ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang alitan ng dalawang bayan, kapwa pinapanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito si Kristo at ipinangaral sa lahat ang Mabuting Balita ng kapayapaan – sa inyong mga Hentil na malayo sa Diyos, at sa mga Judio na malapit sa kanya. Dahil kay Kristo, tayo’y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu.
Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
Sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 35-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa ating pagtanggap ng biyaya ng pananampalataya, tinatawag tayo upang maging masunurin, magkaroon ng pag-asa, at maging handang salubungin si Kristo sa anumang oras. Ipanalangin natin ang ating mga kapwa nang may pananalig.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Basbasan mo ang iyong mga tapat na lingkod, Panginoon.
Ang Santo Papa, mga obispo, at mga pari nawa’y tapat na maglingkod sa kalipunan ng mga sumasampalataya nang may kasipagan at dedikasyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y lumago sa ating pagsusulong para sa katarungan at pag-ibig sa pamamagitan ng ating buong pusong paglilingkod sa araw-araw na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Matuto nawa tayong ibahagi sa bawat isa ang anumang mayroon tayo at sumaksi sa pamumuhay nang may pag-asa, bilang paghahanda sa pagbabalik ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga dumaranas ng pagsubok sa buhay nawa’y patuloy na maniwala at umasa sa Diyos na nagbibigay ng lahat ng bagay para sa ating kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y magdiwang sa sinag ng bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Walang hanggang Ama, hindi namin alam ang araw ni ang oras kung kailan magbabalik ang iyong Anak upang kami ay hatulan. Tingnan mo ang aming mga panalangin bilang tanda ng aming pananampalataya sa kanyang pagdating. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.