5,135 total views
Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 8, 18-25
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Lucas 13, 18-21
Tuesday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 8, 18-25
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag ng kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumganggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan. Ligtas na tayo at inaasahan natin ang kaganapan nito. Ngunit ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, ito’y hihintayin natin nang buong tiyaga.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyari’y kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!
Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 18-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tulad ng isang malaking puno na mayroong mayabong na mga sanga o tulad ng butil na matahimik na lumalaki, gayundin ang paglago ng Kaharian ng Langit. Sama-sama tayong manalangin bilang pakikibahagi natin sa mapagmahal na plano ng banal na kabutihan ng Diyos.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, gawin mo na makapagbigay-buhay ang aming buhay.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na umunlad sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbabahagi ng kaligtasan sa mga kultura at mga pinahahalagahan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nasa programa ng pagpapaunlad ng ekonomiya nawa’y bigyang suporta ang mga magsasaka at yaong mga nagpapaunlad ng lupa nawa’y alagaan at igalang ang likas na kalikasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pamilya, lalo na ang ating mga anak, nawa’y lumaki sa pamamaraan ng biyaya at umunlad na kawangis ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging matatag sa kanilang pananampalataya at mapalakas sa pamamagitan ng ating pag-aalaga at pagkalinga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y masiyahan sa kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming puso sa iyong Salita upang maging mabunga kami lagi. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.