7,082 total views
Martes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Isaias 1, 10. 16-20
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Mateo 23, 1-12
Tuesday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10. 16-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Mga pinuno ng Sodoma,
pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon;
mga namamayan sa Gomorra,
pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin;
talikdan na ninyo ang masasamang gawain.
Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti;
pairalin ang katarungan;
itigil ang pang-aapi;
tulungan ang mga ulila;
ipagtanggol ang mga balo.
“Halikayo at magliwanagan tayo,
gaano man karami ang inyong kasalanan,
handa akong ipatawad ang lahat ng iyan,
kahit na kayo’y maruming-marumi sa kasalanan,
kayo’y magiging busilak sa kaputian.
Kung kayo’y susunod at tatalima,
pasasaganain ko ang ani ng inyong lupain.
ngunit kung magpapatuloy kayo sa inyong pagsuway
ay tiyak na kayo’y mamamatay.”
Ito ang sabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Martes
Sundin natin ang mga pangaral ng ating Panginoon na siyang nagturo sa atin na tuparin ang kanyang gawain nang may kababaang-loob at walang pagmamagaling.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, akayin Mo kami sa daan ng Iyong Espiritu.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging lubos ang pag-aalay ng sarili sa kanilang dakilang bokasyon na ipangaral ang Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at guro nawa’y makita ang kanilang mga itinuturo sa pamamagitan ng pagpapatotoo at mabubuting halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang laging sikaping gawin ang matuwid upang maging isang buhay na kapangyarihang nagkakabisa sa ating mga pagkilos ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang kalingain nang may pag-ibig at habag ang mga maysakit, mga matatanda, at mga nangungulila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makatagpo ng kapahingahan at bagong buhay sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, palalimin mo ang aming pananampalataya upang lumago kami sa iyong pag-ibig at lagi kaming makapaglingkod sa iyo nang may pusong bukas at tapat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.