8,919 total views
Paggunita kina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama, mga martir
1 Hari 8, 22-23. 27-30
Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Marcos 7, 1-13
Memorial of Sts. Pedro Bautista, Paul Miki and Companions, Martyrs (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 8, 22-23. 27-30
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, tumindig si Solomon sa harap ng dambana ng Panginoon. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; walang maliw ang pag-ibig na ipinadadama ninyo sa kanila habang sila’y nananatiling tapat sa inyo.
“Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na tahanang aking itinayo! Gayunman, dinggin ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Panginoon, aming Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang may sabi na ang pangalan ninyo’y mamamalagi rito. Sa gayun maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa pook na ito.
“Dinggin ninyo ang inyong alipin at ang inyong bayan tuwing kami’y manananalangin sa lugar na ito. Dinggin ninyo kami buhat sa inyong luklukan sa langit at patawarin ninyo kami!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Basbasan mo, Panginoon, yaong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya yamang ikaw ang humirang.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Kahit isang araw lamang, gusto ko pang sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako’y mapasama sa masasamang mga tao.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Salmo 118, 36. 29b
Aleluya! Aleluya!
Sa salita mo akitin
ang puso ko at loobin
nang ikaw ay aking sundin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Sinabi pa ni Hesus, “Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama’t ina’; at ‘Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.’ Ngunit itinuturo ninyo, ‘Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina: Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Korban’, alalaong baga’y inihahain ko ito sa Diyos – hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa ganitong paara’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga turong minana ninyo. At marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Walang saysay ang ating pagsamba kung hindi ito nanggagaling sa pusong tunay. Manalangin tayo ngayon sa Diyos Ama upang gawin niyang malinis at tapat ang ating mga puso.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, buksan Mo ang aming mga puso sa iyong puso.
Ang mga namumuno ng ating Simbahan nawa’y laging gabayan ng liwanag ng Ebanghelyo at huwag nawa nilang hanapin ang seguridad sa mga makamundong istruktura, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang komunidad nawa’y huwag nating isara ang ating mga mata sa tunay na pangangailangan ng mga mahihirap na ating kasa-kasama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng Kristiyano nawa’y mapagtanto na makikita sa ating pakikitungo sa ating mga kapwa ang tunay na pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mapalakas sa kanilang kahinaan at mapalaya sa kanilang mga karamdaman, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kapatid nating pumanaw na ay magkamit nawa ng kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, likhain mo sa amin ang tapat na puso upang amin ding mahalin at igalang ang aming kapwa na iyong pinahahalagahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.