3,410 total views
Miyerkules ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Eusebio ng Vercelli, obispo
o kaya Paggunita kay San Pedro Julian Eymard, pari
Exodo 34, 29-35
Salmo 98, 5. 6. 7. 9
D’yos na Makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
Mateo 13, 44-46
Wednesday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Eusebius of Vercelli, bishop (White)
or Optional Memorial of Saint Peter Julian Eymard, priest (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 34, 29-35
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Mula sa Bundok ng Sinai, bumaba si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya sa Panginoon ay nagniningning pala ang kanyang mukha. Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. Kaya tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga lider sa Israel at sila’y nag-usap. Pagkaraan noon, lumapit sa kanila ang lahat ng Israelita at sinabi sa kanila ni Moises ang mga utos na ibinigay sa kanya ng Panginoon nang sila’y mag-usap sa Bundok ng Sinai. Pagkasabi nito, tinakpan niya ang kanyang mukha. Tuwing papasok si Moises sa tabernakulo upang makipag-usap sa Panginoon, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ng Panginoon, at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Sa gayun, tatakpan niya uli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 98, 5. 6. 7. 9
D’yos na makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
Ang Poon na ating Diyos ay lubos na papurihan;
sa harap ng trono niya’y sambahin ang ngalang Banal!
D’yos na makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
Si Moises at Aaron, mga saserdote niya;
at si Samuel nama’y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang ang Poo’y dalanginan, dininig naman sila.
D’yos na makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
Ang Poon ay nagsalita sa gitna ng mga ulap;
Sila naman ay nakinig utos niya ay tinupad.
D’yos na makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
Ang Diyos nating Panginoon, dapat nating papurihan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Siya’y ating Panginoon, siya’y ating Diyos na banal!
D’yos na makapangyarihan,
Ikaw ay tunay na banal.
ALELUYA
Juan 15, 15b
Aleluya! Aleluya!
Aking mga kaibigan,
alam na ninyo ang tanan
na mula sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 44-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.
“Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Pakinggan natin ang paanyaya ng Diyos na humingi tayo sa kanya ng mga bagay na tunay na mahalaga.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ikaw ang aming Diyos at ang lahat sa amin.
Ang Santo Papa at ang mga obispo nawa’y magabayan at maliwanagan ng karunungan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang gamitin nang mahusay ang mga mahahalagang bagay para sa ating ikabubuti at huwag tayong maging mga alipin ng kasakiman at pagkamasarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahanap sa katotohanan nawa’y higit na lumalim araw-araw ang kanilang pagpapahalaga sa pananampalataya kay Kristo bilang perlas na walang katumbas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nag-aaruga sa kanila nawa’y mabiyayaan sa kanilang mga pagsasakripisyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay na sa buhay na ito nawa’y mamahinga sa walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama sa Langit, bukal ng lahat ng kabutihan sa buhay, tulungan mo kaming gamitin nang wasto ang iyong mga biyaya at magbunyi kami sa kayamanan ng iyong pagmamahal. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.